Pamamaalam sa isang Ina…
Linggo ng hapon ng pumunta kami ni Lex sa La Salle Geenhills upang masilayan sa huling pagkakataon ang labi ng dating pangulong Corazon Aquino. Mahaba na ang pila ng mga tao noong dumating kami ng alas-singko ng hapon. Pami-pamilya rin ang pumila. Kahit bumuhos na ang ulan, hindi natinag ang mga taong nakapila. Mabuti na rin na may payong at jacket kaming dala-dala bilang pananggalan sa ulan.
Matagal ring natigil ang paglalakad ng mga nakapilang tao dahil na rin nag-misa pa sa loob ng La Salle. Palitan na kami ni Lex sa pagtayo at pag-upo sa espasyong konkreto na inuupuan na rin ng mga napagod sa matagalang pagtayo sa linya. Wala akong nakitang nagalit sa matagal na paghihintay.
Iniisip ko nga kung bakit maraming taong nagtitiis maglakad ng malayo, ma-ulanan, tumigil at tumayo sa linya nang matagal, magtiis na hindi makakain ng maayos para masilayan lamang sa maiksing panahon ang dating pangulo?
Pawang nakikiaayon pa nga ang panahon sa lungkot na nadarama ng sambayanan sa kanyang pagpanaw. Makulimlim ang langit at nagbabadya parati ng pagbuhos ng ulan.
Pakiramdam ko lang noong panahong iyon, pantay-pantay ang lahat ng pumila, handang maghirap at ibigay ang kanilang sarili para masilayan kahit sa kaunting sandali ang isang taong umukit ng mahalagang papel sa kasaysayan, isang ina ng bayan na tulad nga ng sinabi ni Bishop Soc Villegas ay namatay ng makailang ulit para ialay ang kanyang sarili para sa bayan.