Magtatapos na rin ng kolehiyo ang panganay kong anak. Kapalayaw ko siya, siya ang junior kong matuturing. BS Math ang kinukuha niya sa Ateneo. Mahirap na kurso ito, nariyang naaabutan ko siyang natutulog na lang sa sofa para magising ng maaga at makapag-aral muli. Nariyang lumalampas na siya ng alas-dose ng gabi para tapusin ang kanyang gawain. Pero ganito na rin naman ang kinagawian niya magmula noong high school student pa siya. Gusto niyang magpatuloy sa law school pagkatapos ng kolehiyo. Kakayanin niya ito, dahil kaya niyang ialay ang kanyang panahon at buong sarili para sa isang bagay kahit dumaan siya sa butas ng karayom.
Halos lahat naman ng mga magulang ay nangarap ng mabuting kinabukasan para sa kanilang mga anak. Kahit di nila masabi ng diretsahan, maaninag sa mga mata ang pag-asa at pagmamalaki nila sa kanilang mga anak. Napakalaking bagay na maiparamdam sa mga anak ito.
Nalulungkot lang ako ngayon sa pinagdaraanan ng mga magulang ni Tara Santelices, isang Ateneo graduate na binaril sa loob ng jeep na sinakyan halos isang taon ng nakalipas. Marami ring pangarap si Tara at kapareho ng aking panganay, balak rin niyang mag-aral sa law school. Binawian na siya ng buhay noong umaga ng Hulyo 26.
Nalulungkot rin ako ng makita ko ang litrato ng ama at ina ni Josemarie Enriquez o Kristo sa mga nakakakilala sa kanya. Isa si Kristo sa mga kabataang aktibistang nag-alay ng kanilang buhay para sa pangmatagalang pagbabago ang ating lipunan. Pinahirapan siya at pinaslang; hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan ang kanyang labi. Bakas sa mga mata ng kanyang magulang ang lungkot at pangungulila sa kanilang panganay na anak.