pagninilay
Nag-ugat ang kagustuhan kong matuto at mapalalim ang aking kaalaman sa gawaing sanggunian noong pinakilala sa akin ng isang samahang pangkababaihan ang isang batang saksi sa pagpatay sa kanyang ina. Pinatay sa bugbog ang ina niya ng kinakasama nito, isang amang nangako na gagampanan niya ang pagiging isang mabuting ama. Wala pang ibinababang warrant of arrest dito; malaya itong nakakalabas pamasok sa komunidad nila.
Mabuting tao ang ina niya, nagsikap tapusin ang pag-aaral bagama't hikahos sila sa pamumuhay. Nag-aaral siya sa gabi habang nagtatrabaho sa isang fast food chain sa umaga. Bata pa lamang ito, alam na niya na kailangan niyang magsikap at magtrabaho para makapag-aral. Marami siyang pangarap para sa kanyang mag-anak, na balang araw ay makapagtapos rin ng pag-aaral ang anak niya, na matitikman rin nito ang mga bagay at karanasan na hindi niya natikman.
Para sa isang taong marami na ring napatunayan sa buhay, na naranasan maitawid ang sariling pag-aaral sa sarili niyang sikap, maitaguyod ang kanyang mag-anak, saan nanggagaling ang pagpapabaya sa pananakit at pagkutya?
Tinanong ko rin ang organisador ng samahan at wala siyang masabi sa akin. Tumambad na lang sa akin ang kasagutan nang binisita namin ang tahanang naiwan sa isang komunidad ng maralitang taga-lungsod.
Nagtutuhog ng pinaghihiwang lamang baboy ang lola ng bata na itutuhog sa mga barbedue stick para lutuin at itinda. Ang lolo naman ay isa sa mga lalaking nakauspo labas ng tirahan nila, naglalasing sa katanghaliang tapat.
Maari nga namang, walang pananakit na nasaksihan ang isang bata paglaki niya pero nakikita rin niya ang pagpapabaya ng kanyang ama, ang hindi pag-imik ng sarili niyang ina bagama't hirap na sa pamumuhay, ang mga masasakit na salitang naglalatay sa kaluluwa.