Google Translate the Entire Blog

Tuesday, 17 September 2019

Hilom

    Magtatlong-buwan na rin pagkatapos akong sumailalim sa bilateral knee surgeryPinalitan ng metal ang dalawang tuhod ko. Nakakapaglakad na ako kahit hindi pa rin kabilisan. “Conscious” pa rin ako sa bawa’t hakbang ko. Hindi na ako gumagamit ng tungkod; matagal ko nang itinabi ang walkerna ginamit ko sa pagtayo at ang rollator na ginamit ko sa pagsasanay sa mas mabilis na paghakbang. 

    Nakakapagmaneho na rin ako ng mahabang distansiya kahit na automatic transmission na sasakyan ang gamit ko. Nasa bucket listko kasi ang pagmamaneho ulit matapos ang operasyon.Kumpara sa unang tatlong linggo pagkatapos ng operasyon, hindi na gaano kahirap matulog. May ilang beses na nagigising ako tuwing gabi at pahirapan sa akin na makatulog muli. Ginawa ko ang meditation, ang pakikinig ng musika, ang pagtatakip ng tela sa mata, ang paniniguro na madilim ang tulugan ko- pero hindi pa rin ako makatulog. Sinubukan kong magsulat, kaya lang hindi pa ako makaupo nang matagal. Kailangan kong tumayo pagkatapos ng ilang minuto para di manigas ang aking binti.

    Kasama na rin ako sa pasyal naming mag-anak. Hindi na mahirap sa akin ang matagal na pag-upo sa sasakyan dahil sa trapik. Dati kasi, kailangan kong bumaba sa sasakyan upang iunat ang aking mga binti. Bago ang operasyon ko, iniwasan ko rin ang pagsama sa mahabaang biyahe dahil sa posibleng kumplikasyong dulot ng pamumuo ng dugo sa binti.

    Nakabalik na rin ako sa trabaho ko sa pamantasan. Mabuti na lamang, may “stair lift” sa gusali ko, isang silyang bakal na umiikot sa hagdan ng bawa’t palapag. Hindi naging mahirap para sa akin ang mag-akyat-panaog papuntang opisina ko. Hindi lang madali sa akin ang pagbaba gamit ang kanang binti ko; pakiramdam ko may nababanat na goma tuwing bababa ako.

    Pawang dumaan ako sa butas ng karayom sa paghilom. Hindi malakas ang katawan ko bago ako sumalang sa operasyon. Kinakailangang malakas ang mga braso (siyempre pa pati ang binti) dahil gagamitin ang mga ito sa pagbubuhat ng sarili pagkatapos ng operasyon. Ilang beses kong sinubukang tumayo gamit ang walkerko, pero hindi ko magawa. Sinubukan ko pang ilagay ang walkersa pagitan ng higaan ko at isang pader sa aking silid pero hindi ko nakayanang tumayo. Binago ko rin ang taas ng walkertaliwas sa rekomendasyon ng physical therapistko. Naitanong ko tuloy sa sarili kung ganoon ba kahina ang katawan ko? Maaari kayang masyadong mataas ang walker para sa akin? Natandaan kong tinantiya lang ng physical therapist ang pag-ayos ng taas nito. Naging mas madali ang pagtayo ko nang ibinaba ko ang taas ng walker. Hindi ko na ginising ang anak ko sa unang pagtayo kong mag-isa. Makailangang ulit na rin siyang gumising upang tulungan ako.

    Napatanong rin ako sa sarili kung bubuti pa ang aking paglalakad. Paulit-ulit akong nagpa-praktis, pero masakit pa rin ang tuhod ko sa pagyapak ko. Sinusundan ko ang mga ehersisyong pinapagawa ng mga physical therapist ko umaga at gabi. Pinapalakas ko rin ang binti ko sa paggamit ng exercise bike at threadmill. Natutunan kong tanggapin ang kalagayan ng aking katawan. Pursigido akong gumaling pero tanggap kong nasa mahabang biyahe ako sa paghilom.

    Maaaring magkakaiba ang karanasan ng bawa’t isang sasabak sa ganitong operasyon. May kasabayan akong seaman na naglalakad na habang hindi pa ako makatayo sa wheelchair ko. Malaking tulong ang pag-unawa sa sarili at pagkilala na hindi magkakapareho ang proseso ng paghilom. Kinakailangan ng masusing pananaliksik tungkol sa operasyon, pagkakaroon ng suporta mula sa mga taong nagmamalasakit, paghahanda ng sarili bago at pagkatapos ng operasyon, pananalig at pananampalataya sa paggaling.Mabuting pagnilayan ang dahilan kung bakit mo pipiliin ang ganitong operasyon. Kailangan rin na literal na pagbabanat ng buto, sa pamamagitan ng physical therapy. Walang short-cut sa paghilom.

    Kailangang magtasa sa kahandaan para sa operasyon at sa rehabilitasyon na maaaring mas mahirap at mas matagal. Hindi rin biro ang gastusin na haharapin kaya kailangang iplano ito.

    Pinagnilayan ko dati ang pagpili sa tradisyunal na operasyon o piliin ang minimally invasive knee surgery (MIS).Mas mabilis ang paghilom sa MIS kumpara sa tradisyunal na operasyon dahil hindi na kailangang hiwain ang quadriceps ng binti. Hindi ito uubra sa akin dahil maraming kailangang ayusin sa tuhod ko.Nagtanong ako sa kapatid ko at mga kasamahan kung may kakilala silang mahusay na orthopedic surgeon. Nagbasa rin ako sa mga nailathalang artikulo sa web. Mahalagang panukat sa pipiliing surgeon ay di lamang ang dami ng naisagawang operasyon pero kung paano siya makitungo sa kanyang mga pasyente. Hinahanap ko kasi yung surgeon na mahusay, di ako mangingiming magtanong at hindi babalewalain ang mga agam-agam ko. Mabuti na lamang at nakilala ko ang isang doktor na mapagmalasakit sa kanyang mga pasyente at handang ipaglaban sila.

    Mahalagang mayroong support grouppara sa operasyon at panahon ng paghilom. Kasama sa support groupay mga taong tutulong sa iba’t ibang mga pangangailangan pagkatapos ng operasyon. Maaaring kamag-anak o maaaring magtukoy ng isang caregiver. Naging caregiver ko ang isang ina na tumulong sa akin sa loob at paglabas ng ospital, nakitawa at nakiiyak habang nanonood kami ng teleseryeng panghapon sa ospital.

    Nagpapasalamat ako sa mga taong naging sandigan ko noon, mga taong nagmalasakit at nagpadama ng kanilang pagmamahal bago pa man ako isalang sa operasyon. Nariyan ang aking pamilya, ang aking asawa’t mga anak, ang aking mga kapatid at mga pamangkin. Nagpapasalamat ako kay Lex, ang aking asawa, na umalalay sa akin kahit siya mismo ay hindi pa lubusang magaling sa kanyang karamdaman, ang aking dalawang anak na sina Raisa at Gina, na umalalay sa akin at pinasaya ako sa kanilang mga kuwento, ang mga kapatid ko at ang aking mga pamangkin. Salamat sis Minx, sa iyong pagmamahal. 

    Malaki ang pasasalamat ko sa pamantasang Ateneo sa malasakit at suporta - sa mga kasamahan ko sa trabaho lalo na sa mga taga-Loyola Schools na naglakbay papuntang Manila Doctor’s Hospital upang magbigay ng donasyon na dugo.

    Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Panginoon na hindi ako pinabayaan sa panahong mahirap.

Tuesday, 10 July 2018

Pagpupugay sa Isang Makata

Esteemed Filipino artist and poet, Rogelio B. Mangahas passed away last July 4, 2018. The author, Amy Muga, read this piece at the tribute given  by writers and artists to the late poet.

   Dati, nasabi ko kay ninong Roger na magdadala kami ni Lex ng cake sa pagbisita namin sa kanya. Galing siyang sakit noon. Sabi niya, huwag na, magdala na lang raw ako ng mga tulang sinulat ko, kahit dalawa o tatlo. Nyay, inisip ko. Mukhang magtatagal na naman bago kami magkita.

    Hindi na ako nakadala ng cake, pero napadalhan ko naman siya ng ilang sinulat ko tungkol sa samot-saring mga kuwento ko sa buhay. Hindi tula, dahil nagdesisyon akong magpahinga muna sa pagsusulat nito matapos ang isang palihang sinalihan ko.

  Napakahalaga sa akin ang binitawan niyang mga salita sa panahong nagdadalawang-isip ako kung itutuloy ko pa ang pagsusulat.
   
     Ganyan si Ninong Roger sa buhay ko at sa buhay namin ni Lex. Pawang isang amang hahayaan kang tumuklas, magkamali at matuto. Yung tutulungan kang matanglawan ang iyong daraanan kung kakailanganin. Walang butil ng pagmamalaki sa sarili. Nagbabahagi ng mga paraan kung paaano malilinang ang kakayanan mo sa pagsulat. Di mayabang. Di naninindak. Walang masamang tinapay sa kapwa.
   
     Sa kanya ako nagpapabasa ng mga sinulat ko. Bubusisiin niya ang mga salitang ginamit ko, sasabihin niya ang mga maling pagkagamit ng salita, tutulungan niya akong itama ang mga pagkakamali ko. Magbibigay siya ng mga abiso na pakikingan ko pero minsan ay hindi ko naman gagawin. Siguro, naroon na rin ang pagtanggap niya na matigas ang ulo ko, na may sariling diskarte sa buhay, kabilang na sa paraan ng pagsusulat.
   
     Kaanak siyang maituturing ng aking mga anak. Ninong Roger rin ang tawag sa kanya ng mga anak ko. Natutuwa siyang makipagkuwentuhan sa mga anak ko - ang ginagawa ng panganay ko sa trabahong actuary at sa bunso kong mahilig rin magsulat at lumikha. Siyempre pa, naroon yung pagkawili niya sa mga kuwento tungkol sa eleksiyon at politika. Kapalitan niya ng kuro-kuro si Lex.
     
     Mami-miss ka namin, Ninong. Nalulungkot kami sa iyong pagpanaw. Pero alam namin na marahil ay nasa isang mabuting lugar ka ngayon. Salamat sa napakayamang ambag mo sa panitikang Filipino. Salamat sa paggabay sa akin, sa amin ni Lex.




Ninong Roger Mangahas kasama si Lex Muga



Meryenda kasama si Ninong Roger

Sunday, 3 June 2018

Kuwentuhan sa Mundo ni Citizen Jake

     May ilang beses na ring nakasama ko ang bunso kong anak  sa panonood ng  pelikulang may  politikal na paksa. Isa sa pelikulang nagustuhan niya ay ang Barber’s Tale, isang kuwento tungkol sa pagbabago ng pananaw ng isang balo mula sa pagiging kimi at mahina ang kalooban tungo sa pagkilala sa kanyang kakayanang gumawa ng mga hakbang na babago sa kanyang buhay. Maganda ang kuwentuhan namin ng anak ko lalo na tungkol sa kalagayan ng mga babae sa isang mala-pyudal na lipunan.  Ito rin ang dahilan kung bakit kapag may pelikulang makabulahan, sisikapin naming panoorin ito.

     Noong isang linggo, nanood kami ng Citizen Jake, pelikula ng batikang direktor na si Mike de Leon at pinagbidahan ng broadcast journalist na si Atom Araullo. Hinintay ko ito, di lamang dahil sa kalibre ng mga pelikula ni Direk Mike pero bilang suporta na rin kay Atom na nakilala ko  sa isang proyekto para sa mga mag-aaral ng isang pamantasan. Paksa namin sa proyekto ang "resiliency", ang kakayanang umigpaw at magpatuloy kahit humarap sa mahirap na mga yugto sa buhay. Nagbahagi si Atom ng isang masaklap na karanasan at paano niya inigpawan ito.


     Natandaan ko ito sa pagbida ko ng Citizen Jake sa anak ko. Gusto ko rin kasing makapanood ng mga pelikulang lapat sa lupa at salamin ng realidad sa lipunan.  Nagustuhan ko ang pagpili ng direktor sa Baguio City, isang lugar na pinangarap kong matirhan ng aking pamilya.  Nagustuhan ko ang magandang kuha sa iba’t ibang eksena dito, ang kuha sa artistang si Max Collins,  ang bahay ng pamilya ni Jake sa Baguio na tunay na pag-aari pala ng pamilya ni Direk Mike. Gusto ko tuloy magkaroon rin ng bahay na napapaligiran ng mga halaman sa Baguio! Mahusay ang pagkakaganap ng halos lahat ng artista dito lalo na kina Cherrie Gil, kay Max Collins, kay Ruby Ruiz na gumanap na caretaker ng bahay at nanay ni Jonie, kababata ni Jake at buong husay na ginampanan ni Luis Alandy. Makatotohanan ang kuwento; naantig ako sa kagustuhan ni Jake  lumayo sa buhay na inilalatag sa kanya ng kanyang ama pero pawang batubalani na kumakapit sa kanya.

     Palaisipan sa akin ang pagkakasulat ng katauhan ng ilang mga tauhan sa kuwento. Naroon ang kadiliman ng budhi ni Senador Jacobo Herrera. Alam na ni Jake ang kasamaan ng ama niya; nalaman niya sa bandang huli na may didilim pa pala sa itim. Naroon rin ang psychopath niyang kapatid na politiko. Maaaring ang redeeming value ng ama niya’t kapatid niya ay  ang pagpapahalaga nila sa konsepto ng pamilya. Natanong rin sa akin ng anak ko ang sitwasyon ni Jonie, kababata ni Jake.  Sana raw kung tinuring ni Jake na kaibigan si Jonie, na natulungan siyang  makapag-aral at makaalis sa buhay niya bilang caretaker ng bahay at ponyboy sa umaga.

     Natatandaan ko tuloy ang ilan sa kakilalang kong pinag-aral ang kanilang kasambahay o mga anak ng kasambahay nila. Ganoon rin ang ginawa ng kapatid ko para sa kanyang kasambahay. Tinulungan niya itong mag-aral sa isang pamantasang kalapit ng tirahan nila.  Di niya ginustong maikahon sa paninilbihan ang kasambahay nila.


     Mabuti ang pagkakatahi sa kuwento ng ilang mga realidad sa kalagayang politikal  ng ating bayan,kabilang na dito ang pagbabalik sa poder ng pamilyang napatalsik sa noong 1986, ang “culture of impunity”  na dahilan kung bakit pinili ng marami magtiklop-tuhod at manahimik.


     Bagama’t di na rin bago para sa akin ang mga isyung tinalakay sa pelikula, nagpapasalamat ako na nagawa ito’t naipalabas sa mga sinehan. Di biro ang sumugal sa isang pelikulang Pinoy na walang artistang tinitilian ng mga manonood. Nagpapasalamat ako na napalamanan ulit ang kuwentuhan namin ng anak ko tungkol sa pelikula at politika, tungkol sa mga pangyayari sa ating bayan noong panahon ng diktadura.

Thursday, 11 January 2018

Pagninilay sa Kaarawan

     Bago pa man nagsara ang 2017, nasimulan ko ang pag-aayos sa isang munting kuwartong ginagamit ko sa pagsusulat. Naihanay ko na ang mga librong naipon ko sa loob ng maraming taon. Aba, may mayamang koleksiyon na pala ako ng mga libro! Maaari na pala akong magtayo ng isang munting bookstore, yung katulad ng "Booksale.” Pinangarap ko ring magtayo ng isang silid-aklatan, isang ispesyal na lugar kung saan puwedeng magbabad ang mga bata para magbasa at mangarap. Dahil naayos ko na rin ang mga libro ko, nagkaroon ako ng espasyo para sa mas maginhawang pagsusulat. Ilang linggo mula ngayon mayroon na rin akong sariling kuwartong nadisenyo na pinapalibutan ng mga librong mahalaga sa akin.
     Patuloy ako sa pag-aayos dito at sa iba pang bahagi ng aming bahay ngayong 2018. Di lamang bahay kundi iba't ibang aspeto ng buhay ang tututukan ko. Di ako nagmamadali, paisa-isang hakbang lamang. 

     Nagpapasalamat ako sa pagkakataong magawa ang mga ito. Nagpapasalamat rin ako sa pagkakaroon ng isa pang kaarawan, na patuloy na mabuhay sa piling nga aking mga minamahal, na maging kabahagi ninyo dito sa FB, na makapaglingkod sa kapwa at marami pang iba. 

     Nagpapasalamat ako sa Panginoon na hindi ako pinabayaan sa panahong binalikan ko ang isang gawaing mahal na mahal ko.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...