Google Translate the Entire Blog

Sunday, 6 September 2015

Kuwentuhan

Bonding time naming mag-anak tuwing Linggo ng umaga. Ang sarap magising na hindi nagmamadali, hindi alintana ang oras na baka ma-late sa paaralan o mahuli sa trabaho. Nakatutuwang pagmasdan ang aking  mga anak na himbing na himbing pa rin sa pagtulog. Ang laki na rin nila;hindi na mga musmos na inaawitan o kinukwentuhan pa para makatulog. Salo-salo kami sa umagahan pagkagising nila. Simpleng almusal na maaring maging almusal-tanghalian na rin.

Tuwing bonding time namin, hindi maaalis ang kuwentuhan, biruan at tawanan. "Chill" lang kami, sabi ng anak ko. Iba't ibang paksa ang laman ng usapan namin, maaring video na ginawa ni bunso, yung pinakahuling episode ng "Aldub" na popular na kalyeserye  sa Eat Bulaga o tungkol sa isang palabas na napanood namin sa internet.  Napag-uusapan rin namin ang ilang mga pangyayari sa ating bayan, kabilang na dito ang mahalagang mga usaping pampulitika na mainit na pinag-uusapan ng marami.

Kanina, natinag ako sa kuwento ng panganay kong anak na halaw sa librong pambata na nabili ng kanyang kaibigan.  Isinulat pala ito ng yumaong Ka Rene Villanueva, isang batikang manunulat na naging guro ko sa isang palihan sa pagsusulat. Nailimbag na rin ng Adarna Books ang kuwentong ito sa librong pambata na "Nemo: Ang Batang Papel."

Hindi siya pangkaraniwang kuwentong pambata dahil usaping panlipunan ang tinutumbok ng kuwento.
Photograph of Amy Muga, 2011
Kuwento ito ni Nemo, isang "bata" na hinugis ng mga estudyante mula sa ginupit-gupit na papel.  Sa isang mahiwagang pagkakataon, nabigyang kakayanan si Nemo na makapagmasid sa kanyang paligid. Nakita niya kung gaano  kasaya ang mga bata sa kanilang paglalaro. Nangarap siyang maging isang tunay na bata, na hindi na manatiling isang batang papel na tinatangay ng hangin. 

Nabuhayan siya ng loob nang narinig niya na maaring magkatotoo ang lahat ng mga pangarap,  kapag hilingin ito sa  pinakamalayong bituin. Pinaghandaan niya ang pagdating ng bituin at taimtim niyang hiniling ng maging isang ganap na bata. Pagbukas niya ng kanyang mga mata, napatunayan niya na totoong may himala. Tunay na siyang bata!

Napakasaya ni Nemo sa pagbabago ng kanyang pangangatawan. Maari na niyang gawin ang mga bagay na kailanman ay hindi niya maaring magawa. Tuwang-tuwa siyang nakipaghabulan sa kapwa niya bata, mga batang pawang walang suliranin sa mundo dahil masaya sila sa pakikipaglaro. 

Mayroon rin siyang ama't ina na nakatira sa isang komunidad ng maralitang tagalungsod. Tunay na karanasan ng maraming mag-anak ang buhay na naibigay sa kanya. Walang ikinabubuhay ang kanyang ama't ina at kinailangan niyang magtrabaho kahit musmos pa siyang maituturing.

Araw-araw, pawang nagpapatintero siya sa gitna ng mga bus at jeep na humaharurot sa lansangan, habang nagtitinda siya ng  sampaguita. Naisip niyang bumalik sa paaralan, kaya lang naramdaman niya ang pagmamaliit sa kanya ng kanyang mga kaklase. Halos ipagtabuyan siya dahil sa marungis niyang kasuotan at nanlilimahid niyang katawan.

Nakakilala rin siya ng iba pang mga bata na tulad niya na nabubuhay  sa kalye. Sa kanila niya naramdaman ang pagtanggap na walang paghuhusga. Salo-salo sila sa pagkain, kahit sa mga tirang ulam na nakuha nila sa mga basurahan.   Maraming pagkakataon niyang nakita ang mga kasamahang lumalanghap ng rugby kahit sa tanghaling tapat. Inisip niyang marahil ito na lang ang maari nilang magawa para hindi nila maramdaman ang gutom at pangungulila.  

Iisa lang naman ang sinulid na nagdudugtong sa kuwento niya at kuwento ng kanyang mga kaibigan. Iisa rin ang sinulid na nagdudugtong sa kanilang mga mithiin sa buhay- - ang kagustuhang magkaroon ng mapag-arugang magulang, mapagkalingang paaralan, masustansiyang pagkain na magbibigay lakas sa kanilang manipis na pangangatawan.

Hindi niya maatim na manatili ang kanyang mga kaibigan sa ganoong sitwasyon. Tinipon niya ang mga ito at sinabing maaring mabago ang kanilang buhay; kailangan lamang sabihin nila ang kanilang mithiin sa pinakamalayong bituin. Tumango ang kanyang mga kaibigan. Hinintay nila ang pagdating ng  bituin at sabay-sabay nilang hiniling na maging masaya panghabang-buhay.

Pagbukas nila ng kanilang mga mata, nalaman nila na lahat sila ay naging mga batang papel na madaling tangayin ng hangin sa kalawakan. Masaya na sila dahil hindi na nila mararamdaman ang lungkot, ang takot, ang paghihirap na araw-araw nilang reyalidad noon bilang mga batang lansangan.

Magkahalong mangha sa husay ng kuwento ni Ka Rene at lungkot sa buhay ng mga batang lansangan ang naramdaman ko sa kuwentong ito. 

Simpleng kuwento ito pero tunay na pangyayari sa buhay ng maraming mga bata sa iba't ibang komunidad ng maralita sa ating bayan.   Realidad nila ang mamuhay sa paghihikahos, kagipitan, pati na rin sa karahasan. 

Hindi dapat dumating ang panahon na mas pipiliin ng mga  bata na mabuhay na pawang batang papel dahil sa hirap na kailangan nilang harapin sa buhay.


Ano ang maaring gawin ng bawa't isa para magkaroon ng pagbabago sa buhay ng mga bulnerableng mga bata sa ating lipunan?
Photograph of Amy Muga


No comments:

Post a Comment

My Comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...