Google Translate the Entire Blog

Wednesday, 25 March 2015

Pangkaraniwang Tao sa 'Di Pangkaraniwang Panahon

Pangkaraniwan siyang tao.

Hindi siya lumaki sa mga papuri sa kanyang husay o talino sa paaralan. Hindi siya natawag sa entablado upang sabitan ng medalya ng kanyang ama't ina. Hindi naisama ang kanyang litrato sa mga polyeto ng mga nangunang nagsipagtapos sa pamantasang pinaghirapan rin niyang mapasukan. Hindi siya iskolar ng bayan, iskolar niya ang kanyang sarili. Nagtatrabaho siya sa umaga para may ipantustos sa kanyang matrikula. Pinagkakasya niya ang maliit na halagang padala ng kanyang ama’t ina.

Pangkaraniwan siyang tao.

Hindi nailagay  sa mga pahayagan ang kanyang kwentong buhay dahil sa kanyang mga nagawa para sa kanyang kapwa. Wala siyang medalya o pagkilala sa kanyang serbisyo sa bayan. Hindi siya taong hahanapin mo at susundan sa social media. Wala siyang facebook account, walang twitter, walang instagram.

Pangkaraniwan siyang tao.

Ipinanganak siya sa isang pangkaraniwang pamilya. Nasaksihan niya ang kanyang ama na gumigising ng umaga para simulan ang gawain sa bukid. Nagigising siya na  naghahanda ang kanyang ina ng simpleng almusal na pagsasaluhan nilang magkakapatid. Kasama siya ng kanyang mga kapatid na tumutulong sa gawaing bahay, mula pag-iigib ng tubig hanggang sa pagpapaligo ng kanyang nakababatang mga kapatid.

Isa siyang kuya na nagpaaral sa kanyang bunsong kapatid. Alam niya na  malaki ang mabubuksang oportunidad sa kanyang kapatid pagkatapos ng kanyang pag-aaral. Hindi niya alintana ang mga araw na balot ng lungkot at hirap sa kanyang gawain. Napapangiti na lang siya sa pagbabasa ng sulat ng kanyang kapatid tungkol sa mga gradong kanyang nakuha. Alam niyang pareho nilang matutulungan ang kanilang ama’t ina sa kanilang pagtanda.

Isa siyang kasintahang mapagmalasakit. Malaki ang paniniwala niya sa kakayanan ng kanyang minamahal at hindi niya gustong sagkaan ito sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Nangarap sila na magbuo ng kanilang sariling pamilya pagkatapos ng pag-aaral na kanilang mga kapatid.

Mapagmahal siya sa kanyang mga anak kahit hindi siya perpektong magulang. Gustuhin man niya, alam niyang di niya kayang matugunan lahat ng pangangailangan nila sa kanilang paglaki. Dala-dala niya ang  kanilang mga larawan sa kanyang pitaka; ginawa pa niyang cover ang litrato ng kanyang mga anak sa kanyang cellphone

Pangkaraniwan siyang anak, kapatid, kasama, kapuso at anak na naging bayani sa 'di pangkaraniwang panahon. 

Namatay siya sa sagupaan sa Barangay Tukanalipao, sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao, sa panahong pinagtitibay ang usaping pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.  Apatnapu't apat na pulis Special Action Force, labingpitong armadong kasama ng Moro Islamic Liberation Front at tatlong sibilyan ang nasawi sa isang operasyong isinagawa para tugisin ang teroristang si Zulkifil Abdhir at iba pa niyang kasama. 


Hanggang ngayon,  pangunahing laman pa rin ng mga pahayagan ang nangyari noong Enero 25. Mainit ang talakayan sa isyung ito. Dalawang magkahiwalay na ulat ang nailabas ng Senado at ng PNP Board of Inquiries pagkatapos ng kanilang masusing pagsisiyasat. Nakapanlulumo ang resulta ng inbestigasyong isinagawa nila- isang salaysay ng pagkawala ng malasakit at tiwala ng mga taong inaasahang mangunguna upang ipatupad ang isang daang matuwid at makatarungan.

Hindi makakamit ang katarungan kung patuloy na ikinukubli ang katotohanan sa nangyari noong araw na yun. Huwag ibaon sa limot ang kanilang pagkamatay, huwag itago at bigyang bagong bihis bilang pangkaraniwang haharapin ng sino mang bayaning nais magsilbi sa kanyang bayan. Bawa't isang taong nasawi sa araw na yun ay mag-iiwan ng pilat sa buhay ng kanilang mga magulang, ng kanilang mga kapatid, ng kanilang asawa o katipan at ng kanilang mga anak.


Acknowledgement: Photograph by Hadji Rieta Gma Network News









Sunday, 22 March 2015

Blessings ( Nang Iguhit ng mga Anak ang Kanilang Ina)

These are some of the wonderful artwork created by two people who have always been blessings in my life. Maraming salamat, mga anak ko.

                                     
Artwork by Gina Muga, 2014
Artwork by Amy Raisa Muga, 2013







Friday, 13 March 2015

Pangungulila at Pagbangon

    
"Cinderella" Artwork by Regina Muga, March 2015 All Rights Reserved


     Isang kuwentong pambata na naging laman ng mga pananalaysay sa loob at labas ng paaralan ang binigyang buhay muli sa pelikulang ipinalabas ng Disney Films ngayong 2015. Kuwento ito ng isang kabataang lumaking mapagmahal sa kapwa, naulila sa mga magulang at pinagmalupitan ng mga taong inaasahan niyang aaruga at magmamahal sa kanya bilang kapamilya. Nakilala niya ang isang taong nagmahal sa kanya at naging daan para makalayo siya sa mga taong sa mga taong umabuso ng kanyang kabutihan.

    Kuwento ito ni Cinderella, ang ulilang nasalo ng isang prinsipe mula sa mahirap na buhay. Pinanood ko ito kahapon kasama ng aking bunsong anak. Sa simula, nag-alangan akong panoorin ito dahil makailang ulit ko na ring napanood ang ganitong kuwento-mula sa animated cartoon ng Disney Films, sa ilang dulang pangtelebisyon at pangtanghalan pati na rin ang isang pelikulang pinagbidahan ni Drew Barrymoore ilang taon na ring nakalipas. Pinili naming panoorin itong aking anak dahil inaasahan naming magaan ito at masarap panoodin. 

     Sa ilalim ng direksiyon ng batikang artistang si Kenneth Branagh, nabigyang buhay at kulay ang kuwentong kinagiliwan ng maraming bata’t matanda. Natutuwa akong hindi nila hinayaang “biktima” ang turing ni Cinderella sa kanyang sarili, bagkus, naipamalas niya an kanyang mga kalakasan sa maraming pagkakataon sa pelikula. Hindi tuluyang  nabura ang kanyang pagkatao kahit dumaan siya sa butas ng karayom. Kaya lang, katulad rin ng pelikula ang laman ng orihinal na kuwento;sa kahuli-hulihan kailangan  pa rin ni Cinderella ng isang taong makapangyarihan para saluhin siya sa sitwasyong hindi makatarungan. 

     Kung mabibigyan ako ng pagkakataong gumawa ng mas makabuluhang  kuwento ni Cinderella na angkop sa ating panahon, maari ko sigurong isulat ang ilang matingkad na karanasan ng ilang kababaihang hindi sumuko kahit sa pinakamadilim na bahagi ng kanilang buhay. Maari ko rin sigurong palawigin ang kuwento ng kanyang pangalawang ina o mga kapatid, para maipakitang hindi naman lahat ng tao ay ubod ng sama o ubod ng bait.  Maaring pagyamanin ang kwentuhan ni Cinderella at ng prinsipe. Maari ring magtapos ang kuwento hindi sa pag-iisang dibdib kundi sa mas malawak na pananaw ni Cinderella sa sitwasyong kanyang kinapalooban dati, maging pagtulong niya sa maraming pang kababaihan at kabataang araw-araw na nabubuhay sa sitwasyong mapanganib at mapang-abuso. 

                                                                 ***

     Ilang linggo na ring nakaraan nang mapanood namin ang "Nanay Mameng: Isang Dula," isang malikhaing pagsasalarawan ng buhay ng  lider anak-pawis na si Carmen "Nanay Mameng" Deunida. Ikinagagalak kong mapanood ito, kasama ng aking bunsong anak at ang aking asawa, dahil pinaghandaan mabuti ang dula, mahusay ang pagkakaganap ng mga artista at higit sa lahat makabuluhan ang paksang tinatalakay dito. Sabi ko nga sa anak ko, napakagandang halimbawa si Nanay Mameng sa pagkilos at hindi pagsuko kahit na dumaan sa masaklap na mga yugto ng buhay, kabilang na dito ang pakikipaghiwalay sa asawang nanakit sa kanya.  Hindi kinakailangang maghintay ng isang prinsipeng  sasalo sa iyo o maniwala sa salamangkang magagawa ng isang makapangyarihang nilalang upang simulan ang pagbabago sa iyong buhay, ipaglaban at igiit ang yong karapatan at karapatan ng iyong kapwa. 


Final scene from Nanay Mameng: Isang Dula. The play was sponsored by the Urban Poor Resoure Center of the Philippines and the Kalipunang Damayang Mahihirap (KADAMAY)






















Acknowledgement: Cover photo of souvenir program for Nanay Mameng: Isang Dula
produced by the Urban Poor Resource Center of the Philippines and KADAMAY

Acknowledgement: Nanay Mameng Deunida artwork by Paps Ospmubal




Sunday, 1 March 2015

Flowers for Panabengga, 2015





Acknowledgement: All photographs taken by Amy A. Muga, 2015

Libro

One of the children's books I loved through the years is the one published by Adarna House entitled " Papel de Liha." Written by Corazon Remigio and illustrated by Beth Parrocha-Doctolero, it tells a little girl's story about the many things her mom did to show her care and love.
"Pumunta ako kay Nanay
at humawak sa mga kamay niya
Pakiramdam ko, kahit kailan,
ayaw ko nang bumitiw pa."

Thank you to Adarna House for publishing this book. I bought the giant copy for my storytelling sessions.
To all mothers at heart, thank you for the love and care you have for your loved ones. Let me also greet my own mother, who is celebrating her 91st birthday today,a most beautiful birthday filled with love and kindness.


Mag-Ina sa Benguet







Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...