Google Translate the Entire Blog

Friday, 24 October 2014

Survival

     Naging matingkad na balita kamakailan, ang mga alagasyon sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004, ng dalawang kilalang personalidad ng ating bayan. Ang isa’y sikat na artista ng pelikulang tabing, na hindi nakilalang may asawa’t anak.  Ang pangalawa naman ay halal na opisyal ng isang pamahalaang panlalawigan sa timog silangang bahagi ng Luzon.

     Naunang  naibalita ang alegasyon ng pang-aabuso ng isang artista laban sa kanyang legal na asawa, mula pisikal at sikolohikal na pananakit, ekonomikong panggigipit pati sekswal na pang-aabuso. Huling balita dito ay iniurong na ng asawa ang demanda niya laban sa artista pagkatapos magkasundo sa hinihinging suporta para sa kanilang anak. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng asawa ng artista upang ipagtanggol ang karapatan ng kanyang anak na matagal ring hindi kinilala ng artista.

     Ibinalita rin ang paglitaw ng legal na asawa ng isang opisyal ng pamahalaang panlalawigan,  na inakala ng marami na dinukot at itinatago. Lumantad siya, kasama ng kanyang abugado at isang kaibigan, sa isang panayam sa programang pantelebisyon. Ibinahagi niya ang hirap ng kanyang kalooban sa lantarang pangangaliwa ng kanyang asawa. Nagdesisyon siyang magplano ng pagtakas, matapos niyang matakot sa ipinakitang galit at pagbabanta ng kanyang asawa. Pinakitaan siya ng baril, na ginamit rin para hampasin at sirain ang gamit niyang computer; pilit pang kinuha ang  ginagamit niyang mga mobile phone. Pinagbintangan siyang nagpakalat sa social media ng mga sensitibong litrato at video ng opisyal at  karelasyon nito.

     Natatandaan ko tuloy ang isang artistang nakapangasawa ng isang politiko mula sa isang mayaman at makapangyarihang angkan, ng isang lalawigan sa hilagang bahagi ng Luzon.  Sa ilang artikulong naisulat tungkol sa buhay niya, binahagi kung paano siya nailagay at nanatili sa mahabang panahon sa loob ng sa isang mapang-abusong relasyon. Inilayo siya ng kanyang  asawa sa mga mahal niya sa buhay at sa mundong ginagalawan niya dati. Sunod-sunod ang kanyang pagbubuntis kaya lalong kinailangang kumapit siya  sa suportang pinansiyal na ibinibigay ng kanyang asawa. Nakatanggap siya ng pisikal na pananakit at emosyunal na pang-aabuso mula sa kanyang asawa. Nagtangka siyang magpatulong sa isang samahan ng kababaihan pero iniwan rin niya ito nung bandang huli.  Mag-isa siya sa huling sandal ng kanyang buhay, hindi siya pinanigan ng sarili niyang mga anak. 


Ina sa pagbangon, a drawing by Regina Muga, 2014

     Ilang taon na ring lumipas ng nakilala ko ang mga naulila ng isang inang namatay sa pambubogbog ng kanyang kinakasama. Hindi aakalaing nanatili siya sa relasyong mapang-abuso ng matagal na panahon.  Panganay siyang anak, nagtapos ng pag-aaral sa sariling sikap, nagtatrabaho at binubuhay mag-isa ang kanyang batang anak. Nalungkot ako para sa kanya at para sa mga naiwan niya. Matanda na ang kanyang mga magulang, nabahagi nila na hirap silang maghanap ng ikabubuhay para mapag-aral ang kanilang apo.

     Marami na ring pananaliksik na naisagawa tungkol sa mga dahilan kung bakit nailalagay at napananatili ang isang tao sa isang mapang-abusong relasyon. Isa na rito ang mga kinamulatang pananaw patungkol sa papel na dapat gampanan ng bawa't isang miyembro ng pamilya. Naisulat ng dalubhasang si Dr. Lourdes Carandang ang konsepto ng "tagasalo" o miyembro ng pamilya na aako ng responsibilidad sa mga suliranin sa tahanan kahit bata pa siya kung tutuusin. Madalas na gumagampan bilang "tagasalo" ang mga anak na babae, lalo na ang panganay. Iminulat sila, sa napakamurang edad, na gawin ang lahat ng makakaya para panatilihin ang  kaayusan sa loob ng tahanan, mahirap man ang sitwasyong hinaharap nila.  Walang puwang ang pagtakas sa responsibilidad na pinaako sa kanila. Naroon rin ang pananaw na kailangang sumailalim ang mahina sa malakas, ang binubuhay sa bumubuhay, ang asawang babae sa asawang lalaki. Marami rin ang naniniwalang hindi dapat makilalam sa karahasang sila mismo ay nakakasaksi sa paniniwalang  problemang pangmag-asawa ito, Hindi ako sang-ayon sa ganitong mga pananaw. 

     Isang hamon ang pag-alis sa isang mapang-abusong relasyon. Tunay na mahirap iwanan ang mga anak sa isang tahanang hindi ligtas. Maraming naabusong kababaihan na patuloy na kumakapit sa suportang ibibigay ng kanilang mga asawa o karelasyon.  Payo ko na magplano at isama sa plano ang pag-ipon o pagtatabi ng pera. Maaring ipatago ang perang naipon sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak.  Mahalagang gawin ito ng sino mang nasa sitwasyong mapang-abuso, para kung sakaling kakailanganin nilang umalis, malaya nilang magagawa ito nang hindi nila iisipin pa kung saan kukuha ng pamasahe papuntang ligtas na lugar o maging pinakamalapit na shelter. 

     Kailangan ring magpalakas ng pangangatawan. Hindi birong  mabuhay sa kalagayang 'di ligtas. Na-counsel ko dati ang isang ina na hindi binibigyan ng sapat at masustansiyang pagkain ng kanyang asawa. Makakakain lamang siya kung may matitirang pagkain sa pinggan ng kanyang asawa. Tirang kanin na nakalubog sa manipis na sabaw ang iniiwan sa kanya. Nagpatulong na ako sa mga kakilala sa parokya na pansamantalang isama muna siya sa kanilang feeding program. 

     Mahalagang tukuyin  kung sino-sino ang maaring maging kaalyado mula sa pinagkakatiwalaang mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay. Kailangan ring ipaalam ang nangyayaring pang-aabuso sa kanila. May nakausap akong ina na ayaw ipaalam ang tunay na nangyayari sa kanyang mga magulang at kapatid. Nahihiya siya sa pangyayari at ayaw niyang dumilim ang paningin nila sa kanyang asawa. Isang ina naman ang ni-refer sa akin para sa counseling ng isang mapagkawanggawang kapitbahay. Kinailangang ikubli ang pagpunta niya sa counseling, natatakot silang maulit ang pananakit ng asawa ng ina.

     Napakalaki ang magagawa ng isang komunidad na mapagmalasakit sa kapakanan ng sino mang nailalagay sa sitwasyong mapang-abuso.  Natatandaan ko ang pagkausap ng community leaders sa isang lalaking pisikal na sinasaktan ang kanyang asawa. Binalaan nila ito na bibitbitin siya sa presinto sakaling ulitin niya ang pananakit sa kanyang asawa. Pinapalakas rin nila ang kalooban ng ina na patuloy na tumatahak ng daan sa pagbangon.

                                                                        ***

     Maraming matatagpuang mga artikulo sa internet, kasama na ang mga video na matatagpuan sa Youtube.com, tungkol sa paksa ng karahasan sa mga kababaihan at kanilang mga anak. 

     Mabuting maibahagi ang mga video na ito para lalong maunawaan ang isyu ng karahasan at kung bakit hindi dapat manatiling tikom ang labi ang tiklop ang tuhod sa mga pagkakataong kailangan ng tulong ng mga biktima ng pang-aabuso.

     Natagpuan ko ang video na ito sa Youtube, na proyekto ng mga estudyante ng isang klase ni Professor Rowena Guazon sa University of the Phiippines. Magandang mapanood ito ng mga kabataan para maunawaan nila ang aspeto ng pang-aabuso sa isang relasyon. 


Acknowledgement:  PITO KABABAIHAN Project of the Local Government Class 
(2nd sem SY 08-09) under Prof. Rowena Guanzon

Monday, 13 October 2014

Paghahabol ng pangarap o pagiging gahaman?

Isa sa mga kuwentong palaisipan sa akin noong bata pa ako ay isinulat ni Leo Tolstoy. Kuwento ito tungkol kay Pahom, isang magbubukid na naghangad magkaroon ng napakalawak na lupain.  Handa siyang dumaan sa butas ng karayom mapasakamay lamang ang lupang ni sa panaginip ay hindi niya maangkin. 

Tulad ng iba pang magbubukid, mahirap ang pamilya ni Pahom.  HIndi naman niya alintana ang kanilang katayuan sa buhay, hanggang marinig niya ang pag-aalipusta ng  nakatatandang kapatid ng kanyang asawa. Magmula noon, tinutukan ni Pahom na magkaroon ng sariling lupain, na maaring  daan para umunlad ang kanilang buhay.  Nakabili siya ng lupang pananiman at naging matagumpay siya sa gawain niya sa bukid. Pagkatapos ng ilang taon, nakabili  pa siya ng lupaing higit na malawak kumpara sa dati niyang sakahan  Malaki ang tubong nakuha niya mula sa dobleng laki ng kanyang ani.  

Nakilala niya ang isang negosyanteng nagbahagi ng kanyang karanasan sa pagbili ng lupain, sa napakamurang halaga, mula sa isang tribong nagmamay-ari ng napakayaman at napakalawak na lupa. Nagdesisyon si Pahom na subukang kausapin ang pinuno ng tribo para makabili rin siya ng lupang inaasam,

HIndi nahirapan si Pahom mapapayag ang pinuno. Ikinagulat pa niya ang pahayag  nito na maari siyang makabili ng lupang kaya niyang lakaran at ikutan sa isang araw. Kailangan lang makabalik siya sa itinakdang lugar, bago lumubog ang araw. Kung hindi,  wala siyang makukuhang lupa at hindi na maibabalik ang kanyang ibinayad. 

Nilakad ni Pahom ang  pinakamalayong pook sa lupain pag-aari ng tribo. Pagod na pagod na siya. Nagpasiya siyang magpahinga muna hanggang tuluyan na siyang maka-idlip. Pagkagising niya, dumidilim na rin ang langit. Nagmadali siyang maglakad at tuluyan na siyang tumakbo pabalik ng lugar na pinagkasunduan nila ng pinuno. Hapong-hapo na siya at nagdurugo na rin ang kanyang mga paa sa katatakbo. Bagama't umabot siya sa lugar kung saan naroon na rin ang pinuno ng tribo at iba pang mga kasama nito, bumigay na rin ang kanyang katawan sa sobrang pagod.

Inilibing siya at tinabunan ng lupang umabot ng anim na talampakan.

Anim na talampakang lupa ang tanging nadala niya sa kanyang libingan.

****

Naging mapusok ba si Pahom dahil naghahabol siya ng pangarap? Pagiging gahaman ba ang mangarap at gawin ang lahat ng makakaya para masakatuparan ito?

Naalala ko ang kuwento ni Pahom pagkatapos kong mabasa sa mga pahayagan ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa ilang matataas na pinuno ng ating bayan. Isa sa kanila ay ibinoto ko noong 2010 dahil sa pagtulong niya sa maraming biktima ng karapatang pantao noong panahon ng diktadura.  Kung totoo ang mga alegasyong ito, nakapanlulumong isipin na pawang mga salitang ampaw ang kanyang binigkas tungkol sa katapatan at pagmamahal sa sambayanan.

Paano kaya nila naatim  linlangin ang taumbayan sa kagustuhan nilang magkamal ng walang katapusang kayamanan? Paano kaya nila nasisikmurang ipambili ang perang dapat sana'y  napunta para sa mga proyektong magbubukas ng oportunidad sa mga maralita? Gaano ba kalaki ang kayamanang kailangan nilang makamtan para magkaroon ng kapanatagan sa kanilang kaluluwa?

Kung totoo ang mga alegasyong ibinato sa kanila, tiyak akong hindi lang paghahabol ng pangarap ang laman ng kanilang puso. 

Sunday, 5 October 2014

Isang Ina sa Lacub, Abra

nakapanghihinayang,
kamatayan ng inang
inhiyero ng bayan,
sa kabundukang
binalot sa galit at dugo.

nakapanlulumo,
kanyang pagkapaslang,
mula sa mga balang
tumagos sa katawang
isinalang sa hirap.

kapatid, kasimbahan,
kabayarang kaypait
sa iyo'y isinukli,
di kinilala ang gawaing
inalay kahit walang kapalit.


Last September 5, 2014, Engineer Fidela Bugarin Salvador, an active church member of the United Church of Christ in the Philippines (UCCP) and a committed development worker from the Cordillera Disaster Response and Development Services (CorDis RDS) was killed in a fire fight between the military and members of the New People's Army in Lacub, Abra.

Engineer Fidela Bugarin Salvador
Reference:

Initial Report of National Solidarity Mission to Lacub, Abra
https://www.scribd.com/doc/241783750/National-Solidarity-Mission-to-Lacub-Abra-Initial-Report







Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...