Google Translate the Entire Blog

Tuesday, 24 June 2014

Pangarap

     Sabi ng iba, libre ang mangarap. 

    Oo nga naman, napakasarap mangarap para sa sarili at para sa 
mga mahal mo sa buhay. Walang mawawala; libre lang naman  
ito.  Mangarap ka man ng simple o malakihan at magising kang 
nakangiti o hindi, sana lang dalhin at baunin kung ano 
ang mahalaga at nagpapayabong sa puso't diwa.

     Naitanong sa akin noon, kung ano ang mga pangarap ko 

sa buhay. Simple lang ang sagot ko dito, gusto ko maging isang 
abugadong nagtatanggol sa karapatan ng mga maralita.  Gusto ko 
rin  maging isang guro ng mga paslit tulad ng aking ina, isang gurong 
mapagmahal at inspirasyon sa kanyang mga tinuturuan. Hindi ako 
naging abugado o guro pero masaya ako sa kasalukuyan kong bokasyon 
sa buhay.

    Naikwento ko rin sa mga anak ko na nangarap akong 
matagpuan ang isang taong may malalim na pagmamahal sa bayan.  
Mamahalin ko siya sa bawa't araw ng aking buhay. Natagpuan ko ang 
taong yun; naging mabuting ama siya ng aking mga anak at naging 
matalik ko rin siyang kaibigan. 

                                                       ***

     Sabi nila, mahirap mangarap kung hindi ka handang kumilos, 
magsakripisyo at magpunyagi sa katuparan ng mga ito.  
     
    Naalala ko si Ka Romy Castillo, isang lider manggagawang 
nakapanayam ko ilang taon na ring nakaraan. Natandaan  ko pa ang 
mga kuwento niya sa piitan at ang hirap na dinanas niya sa loob 
nito. Tinanong ko siya kung paano niya nagawang hindi bumigay 
sa mga panahong yun.Sabi niya, kung tutuusin, ga-munggo lang 
ang hirap na kanyang dinanas kumpara sa araw-araw na hirap na 
dinaranas ng karamihan sa ating bayan.  Sinikap niyang maging 
matibay hanggang sa kanyang paglaya. Pinayabong niya sa kanyang 
puso ang mga pangarap niya para sa mga manggagawa at iba pang
maralita.

     Noong huli naming pagkikita, aninag sa kanyang mga mata ang
pag-asa at tibay ng damdamin. Pumanaw siya noong Hunyo 5 dahil 
sa isang malubhang karamdaman.


Pagpupugay, Ka Romy Castillo!
Acknowledgement : Amy Muga's photograph
taken at an activity of the Balay Rehabilitation Center
Bantayog ng mga Bayani, 2010













     


     

     

     Nabasa ko ang balita tungkol sa engkwentro sa pagitan ng mga 
militar at ng grupong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu noong Hunyo 19.  
Maraming sundalong nasawi at nagtamo ng malubhang tama ng bala 
sa engkwentrong ito. Nakalulungkot na patuloy pa ring nangyayari 
ang mga labanang tulad nito sa bayan natin.

     Nasawi sa enkwentro ang batang opisyal na si 1st Lt. Roger Flores, 
miyembro ng Masiglahin class ng Philipine Military Academy (PMA).  
Isa sa "best and the brightest" ng PMA, maraming karangalan siyang 
naiuwi sa kanyang mga mahal sa buhay-ang kanyang mga magulang, 
kapatid at ang kanyang kasintahan. Sa kabila ng mga karangalang 
nakamtan, nanatili ang katauhan niyang masipag, mapagkumbaba 
at mapagmalasakit sa kapwa. 

    Pinangarap niyang maging tapat na sundalo ng bayan at natupad niya 
ito. Nanghihinayang ako sa maagang pagkamatay ng mga taong tulad niya
na humarap ng panganib at hirap para tuparin ang tungkulin nila sa
bayan.


1st Lt. Roger Flores,Acknowledgement:
Screendgrab from Bandila, ABS-CBN




     





    

      






     
     Mainit ring pinag-uusapan ngayon, bukod sa pagsuko ng dalawang  
senador na sinampahan ng  kasong plunder, ang pagtanggal sa pangalan 
ng artistang si Bb. Nora Aunor sa listahan ng mga gagawaran ng 
pinakamataas na parangal na maaring makamit ng isang artista ng 
bayan, na makilala bilang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas 
(National Artist).

     Bata pa lang ako noong una kong masaksihan ang  kakaibang
husay ni Nora. Napanood ko siya sa entablado habang inawit 
niya ang isang pamilyar na himig; natatandaan ko ang pagtahimik 
ng mga tao habang pinapakinggan siya. Magmula noon, naging
Noranian ako, katulad ng marami. Lumaki ako, kasama ng aking 
kapatid, sa mga kuwento at mga babasahin tungkol sa kanya. 
Pinanood ko ang marami niyang pelikula.

    Mahaba at masalimuot  ang kanyang  paglalakbay sa buhay, 
magmula sa panahong nagtitinda  siya ng tubig sa riles ng 
tren sa Iriga, Camarines, Norte. Dumaan siya sa hirap sa pagkamit 
niya ng mithiing tagumpay bilang isang artista. Hindi siya perpektong 
tao; marami siyang pagkukulang at pagkakamali tulad nating lahat.
Sa kabila ng mga ito naroon ang pagpupunyagi niyang paghusayin
ang sining ng kanyang pagganap at tahimik niyang pagtulong sa 
kanyang kapwa. Hindi na mabubura sa kasaysayan ang kanyang mga 
pelikula na patunay ng husay ng artistang Pilipino. 

   Umaasa akong maibibigay sa kanya ang karangalang nararapat
para sa kanya at para sa iba pang mga artista ng bayan. 


Nora Aunor in Brilliante Mendoza's "Thy Womb"
Acknowledgement: Photograph from Inquirer Entertainment










                                            

   
 


References:

ABS-CBN News Channel. "Brilliant Soldier killed in Sulu". 
Retrieved from https://anc.yahoo.com/news/brilliant-soldier-
killed-in-sulu-134412178.html

Jose, F.Sionil."Nora Aunor Deserves Award, Honor." Retrieved from
http://www.philstar.com/headlines/2014/06/24/1338347/nora-deserves-award-honor

Maggudayao, Mark. "Isang Pagpupugay Who was Labor Leader 
Romy Catillo to this Young Activist" Retrieved from http://www.interaksyon.com/article/88702/isang-pagpupugay--
who-was-labor-leader-romy-castillo-to-this-young-activist










Monday, 16 June 2014

Father's Day


     I remember a beautiful scene from the Disney movie, "Mulan", when Fa-Zhou, told his daughter Mulan,

"The greatest gift and honor is having you for a daughter." 


     How wonderful for daughters and sons to be given the gift of fathers who believed in them. I am thankful for my best friend, Lex Pozon Muga, for being such a dad for our daughters.

Salamat, mahal. Happy Father's Day!

Wednesday, 11 June 2014

Sulat ng Ina sa Kanyang Anak, Part 3

Anak ko,

   Kanina, habang nag-aayos ako ng mga photo album natin, nakita ko ulit ang ilang litrato ng iyong lolo. Siguro, kung buhay pa siya, matutuwa siyang makita kayong dalawa ng iyong Ate Raisa. Maaring ikagulat niya na natangkaran mo na kaming dalawa ng iyong ama.  Marahil, sasama rin siya kapag may practice ka sa volleyball, papalakpak at hihiyaw sa galak para sa inyong koponan. Tiyak akong tulad namin ng iyong ama, magiging fan na rin siya ng larong ito. 

    Malapit na rin lang ang Father's Day kung kaya gusto ko rin ma-share sa iyo ang ala-ala ng iyong Lolo at mga aral ng iyong ama. 

   Working student ang lolo mo sa kanyang kabataan. Naging kutsero siya, naging katulong sa bukid at nagtrabaho sa iba't ibang gawain habang nag-aaral sa gabi. Naroong kumakalam ang kanyang sikmura dahil wala  siyang maibaong pagkain. Ilang beses rin niyang naikwento ang  chewing gum na madalas niyang pamatid-gutom dahil wala siyang pambili ng pagkain. Noong una niyang binahagi ito, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyang idikit ang kanyang chewing gum sa ilalim ng kanyang bangko.

    Katulad rin ng iyong lolo, nagpunyagi rin ang iyong ama sa pag-aaral kahit dumaan sa paghihirap. Di ba naikwento niya sa iyo na nakayapak lang siya pupuntang paaralan? Panganay na anak ang ama mo; siya ang nag-alaga sa kanyang mga kapatid kahit papunta siyang paaralan. Dahil sa talino at sipag, nakakuha siya ng scholarship sa pag-aaral sa isang bayang malayo sa kanyang pamilya.  Hindi birong mahiwalay sa pamilya sa napakamurang edad. Nagsikap siyang pagbutihin ang kanyang pag-aaral kahit makaramdam ng lungkot at pangungulila.  

  May pagkakapareho ang buhay ng iyong ama at iyong lolo mula sa kanilang pagkabata. Hindi sila  tumalikod sa responsibilidad kahit gaano kahirap ang kanilang pinagdaanan. Hinarap nila ang hirap. Ipinakita at ipinaramdam nila ang pagmamahal nila sa kanilang pamilya sa kanilang sariling kaparaanan.  

  Baunin mo ang mga aral nila sa pagpupunyagi, anak. Dalhin mo ang mga aral na ito sa pagharap mo sa panibagong yugto ng iyong buhay mag-aaral. Marami kang matutuklasang bagong kaalaman, marami ka pang matututunan sa iyong sarili at iyong kapwa. Ibayong sipag, pagpupunyagi at tatag ng kalooban ang magiging hamon mo tungo sa matagumpay na pag-aaral.  

   Anak, dalhin mo parati sa iyong puso ang pananampalataya mo sa Panginoon.  Mahal na mahal ka namin.


      
                                                                     Mula sa akin,

                                                                     Nanay


    

Monday, 9 June 2014

Isang Ama, Isang Anak sa "ALAGWA"

   Naalala ko si Mang Simon (di tunay na pangalan) at ang kuwentong 
nagmulat sa akin sa  sitwasyong patuloy na umuukit  sa puso ng maraming 
pamilya sa bayan natin. Bata pa ako nang una kong malaman ang nangyari 
sa kanyang pamilya.

    Dating driver si Mang Simon ng isang pampasaherong dyip na 
pinapasada niya sa kahabaan ng kalyeng Espana.


     Sa araw na tumigil siya pagmamaneho, sinagip niya ang kanyang 
bunsong anak na nabiktima ng child trafficking sa isang bayan sa 
hilagang Luzon. Inilako ang anak niya sa prostitusyon ng isang taong 
pinagkatiwalaan nila sa pamilya. Kung hindi dahil sa isang 
sanib-puwersang operasyon ng pulis at militar para sagipin ang kanyang 
anak, malamang na hindi na niya nakita ito. 

     Natandaan ko ang sinapit ng anak ni Mang Simon  nang mapanood ko 
ang Pinoy indie film na "ALAGWA."

Acknowledgement: jerichorosales.tv 
     Nakakabagabag ang pelikulang ito na ipinalabas sa iilang sinehan 
noong 2012. Kahit halatang limitado ang budget sa pelikula, naipaalam 
sa mga manonood ang realidad ng child trafficking na  patuloy na 
bumibiktima sa napakaraming mga inosente at dumudurog sa puso ng 
maraming mga magulang. 

     Buong husay na ginampanan  ng artistang si Jericho Rosales ang papel 
ng  isang responsable at di-perpektong ama, na nagsikap itaguyod ang 
naulilang anak sa kanyang yumaong asawa.  Katulad niya ang marami ring 
ama sa umako ng papel ng isang nanay at tatay sa tahanan.

    Ipagluluto  niya ang kanyang anak ng hapunang  pagsasaluhan nilang 

dalawa. Pagpaplantsa rin niya ito ng  unipormeng gagamitin  sa paaralan. 
Ihahatid  pa niya ito sa paaralan sakay ng isang pedicab bago pumasok sa 
trabaho.

    Kapag nakaluwag siya sa pera at oras, sasamahan niya itong mag-ikot 

at gumala sa isang maliit na  shopping center sa Maynila.  Sa isang 
pagkakataon, pinagalitan niya ito dahil pinilit nitong puntahan ang isang 
bilihan ng laruan kahit walang paalam sa kanya.

    Dahil  na rin sa kalagayang hirap at pangangailangang maghanap ng 

ikabubuhay, mas madalas na matigas na mga salitang pangaral, at hindi 
mga salitang mapagkalinga ang nabibitawan niya para sa kanyang anak. 
Napapalo niya ito at napagsasabihan ng mga salitang masakit.

    Bagama't hirap ang buhay, naroon pa rin naman ang saya sa simpleng 
buhay nilang mag-ama. Naroon ang  tawanan at biruan na nagpapalambot 
rin sa puso nilang dalawaPinatutugtog pa ng anak ang silindrong bigay 
niya. Minsan nga tinuruan pa siya nito ng  kakaibang paraan ng pagsalo 
ng kanyang palad.

    
Hindi niya inakalang sa isang iglap, mawawala ang kanyang anak at 
matagal bago niya makita at mayakap ito muli.  Sa ilang minutong iniwan 
niya ang kanyang anak sa banyo ng shopping center, tuluyang 
mabibiktima ito ng mga taong maitim ang kaluluwa. 

     Matututunan niya na hindi sapat na pabayaan ang mga alagad sa batas 
na maghanap sa batang mahirap. Makikilala niya ang mga taong walang 
pakundangang magsamantala sa mga batang walang mga kasalanan. 
Matutunan niyang lumaban at hindi sumuko sa kagustuhan niyang 
mahanap ang kanyang anak. 

    Matagal ring panahon ang kanyang tiniis nang isang araw marinig 
niya ang isang pamilyar na himig mula sa isang silindro. Unti-unting 
natatagpuan niya ang kanyang sariling lumalapit sa isang pamilyar na 
mukha na nakaukit sa kanyang puso, isang mukhang aninag ang hirap, 
pasakit at pangungulila. Patuloy niyang pinakinggan ang himig na yun, 
na matagal na rin niyang pinagdasal na mapakinggan ulit, kahit sa 
panaginip man lamang. Lumapit siya sa pulubing payat at gusgusin. 
Napatigil ito at sinalo ang kanyang palad sa paraang itinuro sa kanya 
ng kanyang anak na nawawala ng napakatagal na panahon. 

    Natagpuan na rin niya ang kanyang anak, pagkatapos ng napakahabang 

panahong pagtititis at pananampalataya.

                                                                   ***

    Ano ang maaring maitulong ng isang ordinaryong tao para tulungan 
ang isang biktima ng child trafficking?

Sa website ng Philippines Against Child Trafficking (PACT), isang ahensiyang 

tumutulong sa mga biktima ng child trafficking, nakasaad ito:


"Unang-una’y dapat ilayo ang bata sa lugar kung saan 
siya natagpuan at dalhin siya sa isang ligtas na lugar, maging sa DSWD, 
LSWDO o NGO na kinikilala ng DSWD.  Maaari ring mabawi ng biktima
 ang kanyang sariling mga kagamitan sa tulong ng mga alagad ng batas.
Hangga’t maaari’y ipagbigay-alam sa kanyang pamilya kung saan siya 
naroroon. Kung magkapatid silang na-traffick, sikapin na ipagsama sila.
Dapat rin siyang makausap at mapaliwanagan ng isang social worker ng 
DSWD bago pa siya makapanayam ng alagad ng batas. Kailangan itong 
gawin para mabawasan ang tindi ng takot at kahirapan ng loob dulot ng 
pagkakasagip sa kanya at sa karanasan niya sa trafficking.
Tungkulin ng pamahalaang ibalik ang bata sa kanyang sariling bayan o 
pinagmulan. Kung sa labas ng bansa siya na-traffick, ang DFA at DOLE 
ang may responsibilidad sa kanya, dokumentado man o hindi ang batang 
na-traffick "
Philippines Against Child Trafficking (PACT) - Metro Manila (1343), 
Probinsiya (02-1343) 
Website: http://philippinecampaign.wordpress.com/resources-on-child-trafficking/



                                                         

                                                  



     

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...