Google Translate the Entire Blog

Thursday, 4 December 2014

Panalangin ( halaw sa Oratio Imperata)

Mapagmahal na Ama, 

Narito kaming lahat,  isang bayang nanalangin,
Tumatanaw ng utang na loob sa pagiging bahagi 
ng hiwaga at kagandahan ng Iyong nilikha,
Nagpapasalamat sa Iyong pagtalaga ng tulong  
para sa aming mga pangangailangan,
Sa Iyong patuloy na paggabay sa aming nasa sansinukob.

Marami  kaming pagkukulang sa Iyo at sa Iyong mga nilikha.
Hindi kami naging mabuting katiwala ng kalikasan,
Nagdurusa ang kalikasan sa aming mga pagkakamali, 
Tinatamasa ang resulta ng aming pagmamalabis 
at pagwawalang-bahala.

Bigyan mo kami ng lakas, Panginoon, 
sa panahong may takot ang aming mga puso.
Nababagabag kami sa pagtindi ng bagyo at buhos 
ng ulan na maaring magdulot ng malawakang pagbaha.
Tulungan mo kaming pangibabawan ang  mga pinsalang 
maaring maidulot nito sa amin at aming pamayanan.

Patunubayan mo kami ngayong panahong mahirap.


Tulungan Mo kami, Panginoon, 
sa aming pag-unlad
bilang mapagkalingang kaagapay sa mga nangangailangan,
at responsableng mga katiwala ng Iyong nilikha.

Amen.


Tuesday, 25 November 2014

Bisikleta

   Sinasabing kapag naging isang ina, magkakaroon ng mga pagbabago sa sarili, hindi lamang sa pisikal na kaanyuhan kundi pati na rin sa mga pananaw sa napakaraming mga bagay. Kahalintulad ito ng isang kahong sisidlan na natanggalan ng takip. Lalong tumitingkad kung alin ang mahalaga at kung ano naman ang maari mo nang palampasin. Nabibigyang patotoo ang pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Lumalawak ang pananaw mo sa mundong gusto mong kalakihan ng iyong anak at iba pang mga bata,  isang mundong buhay pa rin ang katarungan at pag-asa. 

   Isa rin akong ina. Magmula pa noong pinagbubuntis ko ang aking mga anak, panalangin ko na patnubayan sila ng Maykapal, na lumaki silang ramdam ang pagmamahal naming dalawa ng kanilang ama at ang kabutihan ng mga taong nakapaligid sa kanila. 

  Sa gawain ko sa komunidad, marami na rin akong nakilalang mga kabataang dumaan sa iba't ibang mahirap at masaklap na mga karanasan sa buhay. Napakalaki ang naitulong sa kanilang pagbangon ng kanilang mga kaanak, mga guro at iba pang miyembro ng  komunidad na nagmamalasakit sa kapakanan nila. Isang malaking hakbang ang maiparamdam sa kanila ang kanilang kahalagahan, ang kanilang kabutihan, na malaman nilang may patutunguhan ang kanilang pinaghihirapang gawain, sa tahanan man o sa paaralan. 

   Natatandaan ko ang isang maiksing video na unang naipaskil sa social media ilang linggo na ring nakaraan. Ipinakita dito ang isang batang umiiyak at nanginginig sa takot pagkatapos siyang tutukan ng patalim ng isang magnanakaw. Kinuha sapilitan ang kanyang kinita sa magdamagan niyang paglalako ng pandesal. Hindi man lamang inalintana na batang maralita ang pinagnakawan niya. 

   Ang pagtitinda ng pandesal ay hindi  katuwaan o palipas oras lamang ng bata.  Nagsisimula siyang magtinda ala-singko y medya ng umaga, pangkaraniwang oras ng pagkain ng umagahan ng maraming batang mag-aaral. Sa kaunting kikitain, pagkakasyahin niya ito sa tulong na iaabot niya sa kanyang pamilya at kaunting halagang maiiwan para sa pangangailangan niya sa paaralan. Nag-iipon rin siya para makabili ng isang bisikletang ni sa panaginip marahil ay alam niyang hindi mabibili ng kanyang ina para sa kanya. Single mom ang kanyang ina, nagtatrabaho ito bilang labandera. 

   Kung hindi pa ito naibalita at tuluyang tinutukan ng pamahalaang lokal ng kanyang pamayanan, maaring natabunan na ang kaso niya. Dadalhin niya hanggang sa kanyang paglaki ang bigat ng kanyang karanasan. Maaring dalhin niyang aral ang magkubli sa takot, huwag magkusa at mangarap. 

   Inaasahan kong manaig ang katarungan, na makakamit niya ito kasama ng iba pang mga batang  nakaranas ng pagpapahirap. Sana matutunan niya na maari pa ring magpunyagi at mangarap, na hindi panghabangbuhay na pasanin ang kanyang karanasan, na sasamahan siya at hindi pababayaan ng kanyang pamilya't pamayanan. 
   

Sunday, 9 November 2014

Simple things, Joyful Moments

What brings joy in my heart? 

the wonders of nature which reminds me of the Lord's kindness and compassion...
Amy Muga's Photograph



Amy Muga's Photograph
Amy Muga's Photograph


I am thankful for the blessings of family, of love ones who never fail to make me smile....


Lex Muga's photograph                                                 

Lex Muga's Photograph

Friday, 24 October 2014

Survival

     Naging matingkad na balita kamakailan, ang mga alagasyon sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004, ng dalawang kilalang personalidad ng ating bayan. Ang isa’y sikat na artista ng pelikulang tabing, na hindi nakilalang may asawa’t anak.  Ang pangalawa naman ay halal na opisyal ng isang pamahalaang panlalawigan sa timog silangang bahagi ng Luzon.

     Naunang  naibalita ang alegasyon ng pang-aabuso ng isang artista laban sa kanyang legal na asawa, mula pisikal at sikolohikal na pananakit, ekonomikong panggigipit pati sekswal na pang-aabuso. Huling balita dito ay iniurong na ng asawa ang demanda niya laban sa artista pagkatapos magkasundo sa hinihinging suporta para sa kanilang anak. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng asawa ng artista upang ipagtanggol ang karapatan ng kanyang anak na matagal ring hindi kinilala ng artista.

     Ibinalita rin ang paglitaw ng legal na asawa ng isang opisyal ng pamahalaang panlalawigan,  na inakala ng marami na dinukot at itinatago. Lumantad siya, kasama ng kanyang abugado at isang kaibigan, sa isang panayam sa programang pantelebisyon. Ibinahagi niya ang hirap ng kanyang kalooban sa lantarang pangangaliwa ng kanyang asawa. Nagdesisyon siyang magplano ng pagtakas, matapos niyang matakot sa ipinakitang galit at pagbabanta ng kanyang asawa. Pinakitaan siya ng baril, na ginamit rin para hampasin at sirain ang gamit niyang computer; pilit pang kinuha ang  ginagamit niyang mga mobile phone. Pinagbintangan siyang nagpakalat sa social media ng mga sensitibong litrato at video ng opisyal at  karelasyon nito.

     Natatandaan ko tuloy ang isang artistang nakapangasawa ng isang politiko mula sa isang mayaman at makapangyarihang angkan, ng isang lalawigan sa hilagang bahagi ng Luzon.  Sa ilang artikulong naisulat tungkol sa buhay niya, binahagi kung paano siya nailagay at nanatili sa mahabang panahon sa loob ng sa isang mapang-abusong relasyon. Inilayo siya ng kanyang  asawa sa mga mahal niya sa buhay at sa mundong ginagalawan niya dati. Sunod-sunod ang kanyang pagbubuntis kaya lalong kinailangang kumapit siya  sa suportang pinansiyal na ibinibigay ng kanyang asawa. Nakatanggap siya ng pisikal na pananakit at emosyunal na pang-aabuso mula sa kanyang asawa. Nagtangka siyang magpatulong sa isang samahan ng kababaihan pero iniwan rin niya ito nung bandang huli.  Mag-isa siya sa huling sandal ng kanyang buhay, hindi siya pinanigan ng sarili niyang mga anak. 


Ina sa pagbangon, a drawing by Regina Muga, 2014

     Ilang taon na ring lumipas ng nakilala ko ang mga naulila ng isang inang namatay sa pambubogbog ng kanyang kinakasama. Hindi aakalaing nanatili siya sa relasyong mapang-abuso ng matagal na panahon.  Panganay siyang anak, nagtapos ng pag-aaral sa sariling sikap, nagtatrabaho at binubuhay mag-isa ang kanyang batang anak. Nalungkot ako para sa kanya at para sa mga naiwan niya. Matanda na ang kanyang mga magulang, nabahagi nila na hirap silang maghanap ng ikabubuhay para mapag-aral ang kanilang apo.

     Marami na ring pananaliksik na naisagawa tungkol sa mga dahilan kung bakit nailalagay at napananatili ang isang tao sa isang mapang-abusong relasyon. Isa na rito ang mga kinamulatang pananaw patungkol sa papel na dapat gampanan ng bawa't isang miyembro ng pamilya. Naisulat ng dalubhasang si Dr. Lourdes Carandang ang konsepto ng "tagasalo" o miyembro ng pamilya na aako ng responsibilidad sa mga suliranin sa tahanan kahit bata pa siya kung tutuusin. Madalas na gumagampan bilang "tagasalo" ang mga anak na babae, lalo na ang panganay. Iminulat sila, sa napakamurang edad, na gawin ang lahat ng makakaya para panatilihin ang  kaayusan sa loob ng tahanan, mahirap man ang sitwasyong hinaharap nila.  Walang puwang ang pagtakas sa responsibilidad na pinaako sa kanila. Naroon rin ang pananaw na kailangang sumailalim ang mahina sa malakas, ang binubuhay sa bumubuhay, ang asawang babae sa asawang lalaki. Marami rin ang naniniwalang hindi dapat makilalam sa karahasang sila mismo ay nakakasaksi sa paniniwalang  problemang pangmag-asawa ito, Hindi ako sang-ayon sa ganitong mga pananaw. 

     Isang hamon ang pag-alis sa isang mapang-abusong relasyon. Tunay na mahirap iwanan ang mga anak sa isang tahanang hindi ligtas. Maraming naabusong kababaihan na patuloy na kumakapit sa suportang ibibigay ng kanilang mga asawa o karelasyon.  Payo ko na magplano at isama sa plano ang pag-ipon o pagtatabi ng pera. Maaring ipatago ang perang naipon sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak.  Mahalagang gawin ito ng sino mang nasa sitwasyong mapang-abuso, para kung sakaling kakailanganin nilang umalis, malaya nilang magagawa ito nang hindi nila iisipin pa kung saan kukuha ng pamasahe papuntang ligtas na lugar o maging pinakamalapit na shelter. 

     Kailangan ring magpalakas ng pangangatawan. Hindi birong  mabuhay sa kalagayang 'di ligtas. Na-counsel ko dati ang isang ina na hindi binibigyan ng sapat at masustansiyang pagkain ng kanyang asawa. Makakakain lamang siya kung may matitirang pagkain sa pinggan ng kanyang asawa. Tirang kanin na nakalubog sa manipis na sabaw ang iniiwan sa kanya. Nagpatulong na ako sa mga kakilala sa parokya na pansamantalang isama muna siya sa kanilang feeding program. 

     Mahalagang tukuyin  kung sino-sino ang maaring maging kaalyado mula sa pinagkakatiwalaang mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay. Kailangan ring ipaalam ang nangyayaring pang-aabuso sa kanila. May nakausap akong ina na ayaw ipaalam ang tunay na nangyayari sa kanyang mga magulang at kapatid. Nahihiya siya sa pangyayari at ayaw niyang dumilim ang paningin nila sa kanyang asawa. Isang ina naman ang ni-refer sa akin para sa counseling ng isang mapagkawanggawang kapitbahay. Kinailangang ikubli ang pagpunta niya sa counseling, natatakot silang maulit ang pananakit ng asawa ng ina.

     Napakalaki ang magagawa ng isang komunidad na mapagmalasakit sa kapakanan ng sino mang nailalagay sa sitwasyong mapang-abuso.  Natatandaan ko ang pagkausap ng community leaders sa isang lalaking pisikal na sinasaktan ang kanyang asawa. Binalaan nila ito na bibitbitin siya sa presinto sakaling ulitin niya ang pananakit sa kanyang asawa. Pinapalakas rin nila ang kalooban ng ina na patuloy na tumatahak ng daan sa pagbangon.

                                                                        ***

     Maraming matatagpuang mga artikulo sa internet, kasama na ang mga video na matatagpuan sa Youtube.com, tungkol sa paksa ng karahasan sa mga kababaihan at kanilang mga anak. 

     Mabuting maibahagi ang mga video na ito para lalong maunawaan ang isyu ng karahasan at kung bakit hindi dapat manatiling tikom ang labi ang tiklop ang tuhod sa mga pagkakataong kailangan ng tulong ng mga biktima ng pang-aabuso.

     Natagpuan ko ang video na ito sa Youtube, na proyekto ng mga estudyante ng isang klase ni Professor Rowena Guazon sa University of the Phiippines. Magandang mapanood ito ng mga kabataan para maunawaan nila ang aspeto ng pang-aabuso sa isang relasyon. 


Acknowledgement:  PITO KABABAIHAN Project of the Local Government Class 
(2nd sem SY 08-09) under Prof. Rowena Guanzon

Monday, 13 October 2014

Paghahabol ng pangarap o pagiging gahaman?

Isa sa mga kuwentong palaisipan sa akin noong bata pa ako ay isinulat ni Leo Tolstoy. Kuwento ito tungkol kay Pahom, isang magbubukid na naghangad magkaroon ng napakalawak na lupain.  Handa siyang dumaan sa butas ng karayom mapasakamay lamang ang lupang ni sa panaginip ay hindi niya maangkin. 

Tulad ng iba pang magbubukid, mahirap ang pamilya ni Pahom.  HIndi naman niya alintana ang kanilang katayuan sa buhay, hanggang marinig niya ang pag-aalipusta ng  nakatatandang kapatid ng kanyang asawa. Magmula noon, tinutukan ni Pahom na magkaroon ng sariling lupain, na maaring  daan para umunlad ang kanilang buhay.  Nakabili siya ng lupang pananiman at naging matagumpay siya sa gawain niya sa bukid. Pagkatapos ng ilang taon, nakabili  pa siya ng lupaing higit na malawak kumpara sa dati niyang sakahan  Malaki ang tubong nakuha niya mula sa dobleng laki ng kanyang ani.  

Nakilala niya ang isang negosyanteng nagbahagi ng kanyang karanasan sa pagbili ng lupain, sa napakamurang halaga, mula sa isang tribong nagmamay-ari ng napakayaman at napakalawak na lupa. Nagdesisyon si Pahom na subukang kausapin ang pinuno ng tribo para makabili rin siya ng lupang inaasam,

HIndi nahirapan si Pahom mapapayag ang pinuno. Ikinagulat pa niya ang pahayag  nito na maari siyang makabili ng lupang kaya niyang lakaran at ikutan sa isang araw. Kailangan lang makabalik siya sa itinakdang lugar, bago lumubog ang araw. Kung hindi,  wala siyang makukuhang lupa at hindi na maibabalik ang kanyang ibinayad. 

Nilakad ni Pahom ang  pinakamalayong pook sa lupain pag-aari ng tribo. Pagod na pagod na siya. Nagpasiya siyang magpahinga muna hanggang tuluyan na siyang maka-idlip. Pagkagising niya, dumidilim na rin ang langit. Nagmadali siyang maglakad at tuluyan na siyang tumakbo pabalik ng lugar na pinagkasunduan nila ng pinuno. Hapong-hapo na siya at nagdurugo na rin ang kanyang mga paa sa katatakbo. Bagama't umabot siya sa lugar kung saan naroon na rin ang pinuno ng tribo at iba pang mga kasama nito, bumigay na rin ang kanyang katawan sa sobrang pagod.

Inilibing siya at tinabunan ng lupang umabot ng anim na talampakan.

Anim na talampakang lupa ang tanging nadala niya sa kanyang libingan.

****

Naging mapusok ba si Pahom dahil naghahabol siya ng pangarap? Pagiging gahaman ba ang mangarap at gawin ang lahat ng makakaya para masakatuparan ito?

Naalala ko ang kuwento ni Pahom pagkatapos kong mabasa sa mga pahayagan ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa ilang matataas na pinuno ng ating bayan. Isa sa kanila ay ibinoto ko noong 2010 dahil sa pagtulong niya sa maraming biktima ng karapatang pantao noong panahon ng diktadura.  Kung totoo ang mga alegasyong ito, nakapanlulumong isipin na pawang mga salitang ampaw ang kanyang binigkas tungkol sa katapatan at pagmamahal sa sambayanan.

Paano kaya nila naatim  linlangin ang taumbayan sa kagustuhan nilang magkamal ng walang katapusang kayamanan? Paano kaya nila nasisikmurang ipambili ang perang dapat sana'y  napunta para sa mga proyektong magbubukas ng oportunidad sa mga maralita? Gaano ba kalaki ang kayamanang kailangan nilang makamtan para magkaroon ng kapanatagan sa kanilang kaluluwa?

Kung totoo ang mga alegasyong ibinato sa kanila, tiyak akong hindi lang paghahabol ng pangarap ang laman ng kanilang puso. 

Sunday, 5 October 2014

Isang Ina sa Lacub, Abra

nakapanghihinayang,
kamatayan ng inang
inhiyero ng bayan,
sa kabundukang
binalot sa galit at dugo.

nakapanlulumo,
kanyang pagkapaslang,
mula sa mga balang
tumagos sa katawang
isinalang sa hirap.

kapatid, kasimbahan,
kabayarang kaypait
sa iyo'y isinukli,
di kinilala ang gawaing
inalay kahit walang kapalit.


Last September 5, 2014, Engineer Fidela Bugarin Salvador, an active church member of the United Church of Christ in the Philippines (UCCP) and a committed development worker from the Cordillera Disaster Response and Development Services (CorDis RDS) was killed in a fire fight between the military and members of the New People's Army in Lacub, Abra.

Engineer Fidela Bugarin Salvador
Reference:

Initial Report of National Solidarity Mission to Lacub, Abra
https://www.scribd.com/doc/241783750/National-Solidarity-Mission-to-Lacub-Abra-Initial-Report







Thursday, 11 September 2014

MRT

Regular na commuter ng MRT ang anak ko.  

Maaga siyang gumigising araw-araw para maglakad papuntang  pinakamalapit na istayon ng MRT.  Kadalasan, dinadala na lang niya ang kanyang almusal o magbabaon na lang siya ng biskwit pangtawid-gutom habang naghihintay sa napakahabang pila ng commuters.  Pinili niyang sumakay dito dahil sa di-kataasang singil sa pamasahe bukod pa sa bilis ng biyahe. Mahirap makipagsapalaran sumakay sa taxi, lalo na sa bus, na maaring tumagal ng higit sa dalawang oras ang biyahe, depende sa daloy ng trapiko. 


Bagama't mabilis ang biyahe dito kumpara sa iba pang mga sasakyan, kailangang magbaon ng napakahabang pisi ng pasensiya ang sino mang sasakay dito. Kailangang handa ring pumila sa linyang pawang "dulo ng walang hanggan." Huwag na ring indahin ang pagtayo sa maliit na ispasyo na ninipis pa dahil sa pagdagsa ng mga commuter. Noong huling sakay ko dito, pawang pinipiping lata ang pakiramdam ko dahil sa dami ng mga taong nakasabay ko.

Hindi ito isang beses o dalawang beses na pangyayari. Araw-araw na reyalidad ito ng mga commuter ng MRT, tulad ng anak ko.

Photo Acknowledgement: This photograph was taken by Mark Balmores for
Manila Bulletin. 

***
Natatandaan ko nang itinayo ang isang istasyon ng MRT malapit sa komunidad namin. Siyempre pa, tulad ng marami, nakatutuwang malaman na magkakaroon ng tren na babagtas sa mahabang lansangan ng EDSA. Hindi na kailangang makipagsapalaran sa trapik tuwing papasok o uuwi galing sa trabaho. Kahit nakatayo nang matagal, dahil air-con ang mga bagon nito, hindi ka rin lalabas na pawisan o magmumukhang may mabigat na pasaning dala-dala.

Naalala ko tuloy nang itinayo ang Light Rail Transit system. Binagtas nito   ang bahagi ng Taft Avenue na tapat ng pamantasang pinasukan ko sa kolehiyo. Alam kong maraming ginhawang maidudulot nito kaya lang marami rin namang naapektuhang mga negosyo, lalo na ang mga kainan na nasa tapat ng pamantasan ko.  Naroon rin ang ingay na dulot nang unang dumaan ang tren sa harap ng gusali namin na pinakamapalapit dito. Kailangang huminto ang propesor sa pagtuturo niya dahil hindi na rin namin maririnig ang kanyang binabahagi. 

***
Sana, magkaroon na rin ng pangmatagalang solusyon para mapabuti ang mass transport system ng bayan natin. Napakalaking ginhawa ang maidudulot nito sa buhay ng pangkaraniwang mga mamamayan.



Seryosohin sana ng pamahalaan ang pagpapabuti ng iba't ibang serbisyo para sa bayan, kasama na dito ang pagsasaayos ng  suliranin sa trapiko pati na rin ang krisis sa  mass transport system ng ating bayan. 

Hindi na kailangang hilingin na maglaan ng kaunting pag-unawa at sakripisyo ang mga commuters,  dahil araw-araw na nilang ginagawa ito. 




Reference:

Buelva,Alma. "Is MRT Among the World's Worst Trains." Manila Bulletin
http://www.mb.com.ph/is-mrt-among-the-worlds-worst-trains/

Saturday, 16 August 2014

Sophie's Choice

   Bawa't isa sa atin ay mahaharap sa mga desisyon na maaring magpabago sa buhay natin at buhay ng ating kapwa. Kinakailangang malinaw sa atin kung ano ang  batayan natin sa pagpili, kung nakasandig ang mga ito sa pinapahalagahan nating katotohanan. 

   Natatandaan ko ang isang eksena sa pelikulang Sophie's Choice, kung saan kagyat na pinagdesisyon ang isang ina kung sino sa dalawa niyang anak ang pipiliin niyang sagipin. Ang hindi niya mapipili ay haharap sa tiyak na kamatayan sa crematorium ng mga Nazi.  Pinili niya ang anak niyang lalaki; at buhay noon, dinala na niya sa kanyang konsensya, hanggang sa kanyang kamatayan, ang hindi niya pagsagip sa bunso niyang anak. 

     Napaisip ako kung paano ako magdedesisyon kung mailagay ako sitwasyong hinarap ng fictional character na si Sophie. Napakahirap isiping mapawalay sa akin sino man sa dalawa kong anak. 

    Ang pinagdaanan ni  Sophie ay pinagdadaanan araw-araw ng maraming magulang sa ating bayan.  Maraming humaharap sa mga desisyong magpapabago sa buhay ng kanilang kaanak. Pipili sila kung sino sa uunahin nilang bigyan ng pagkain, sino sa 
kanilang mga anak ang mag-aaral o kailangang huminto para tulungan sila mangalakal, mamasukan o tumulong sa bukid para may  pagkain silang pagsasaluhan sa hapag-kainan.

     Nakausap ko ang isang inang naninirahan sa lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda. Winasak ng bagyo ang kanilang maliit nilang tahanan at mga pananim na pagkukuhanan sana nila ng pagkain at paninda. Mahigpit na nagdesisyon ang kanyang asawang huwag nang papasukin sa paaralan ang kanilang mga anak. Wala rin silang maibibgay na panustos sa pang-araw araw na pangangailangan ng mga ito sa pag-aaral. Binisita na sila ng mga guro ng kanilang mga anak para kumbinsihin ang kanyang asawang payagan nang papasukin ang kanilang mga anak.  Hindi natinag ang kanyang asawa. Hahayaan ba niya ito at susundin na hindi na papasukin ang kanyang mga anak?

    May ilang araw na ring nakaraan nang pumutok sa social media ang isang kuwento ng isang ina na namatayan ng kanyang sampung taong gulang na anak.  Lulan ang anak niya  ng isang  ambulansya nanggaling sa isang modernong ospital sa Butuan City papuntang isa pangospital sa mas malayong Davao City.  

     Nakita ko ang litrato ng bata na binahagi sa social media. Naroon anghirap niya habang nasa ospital. Kinailangan siyang dalhin sa ospitalna may mas kumpletong kagamitan sa Butuan City, kasama na ng ilangnars at pagpayag ng doktor na mangangalaga sa kanya sa naturang ospital. Nagdala na rin ang ina niya ng pang-deposito sa ospital.

     Sa kasamaang palad, nagdesisyon ang ospital, sa pamamagitan ng empleyadong inatasan nila sa gawaing ito, na tanggihan ang pagbibigayng atensyong medikal sa bata. Hindi raw medical emergency ito tuladng kaso ng mga nasasagasaan. Hindi sasapat ang perang dala-dala ngkanyang ina sa hinihingi nilang P30,000 na deposito.

     Ano ang maaring gawin ng ina para sagipin ang buhay ng kanyang anak?

     Dahil sa hindi pagtanggap ng ospital sa kanyang anak, kahit may batas na nagbabawal sa pagsingil ng deposito sa mga sitwasyong agaw-buhayang pasyente, binawian ng ito  ng buhay habang lulan ng ambulansiyamagdadala sa kanya sa isa pang ospital sa Davao City na aabot ng apat na oras sa lansangan.



References:

a) Account of Tutz Salarda which was posted at Facebook
https://www.facebook.com/tutz.salarda/posts/691879920861217

b) "Girl Dies After Allegeldy Being Rejected by Hospital." ABS-CBN News.
http://www.abs-cbnnews.com/nation/regions/08/12/14/girl-dies-after-allegedly-
being-rejected-hospital

Saturday, 9 August 2014

Solidarity

(Isinulat ko ang tulang ito bilang alay sa mga inosenteng sibilyan- bata't matanda na naipit sa digmaan sa Gaza, sa Gitnang Silangan. - Amy Muga)

Isang bayan sa Gitnang Silangan,
Dinanas sukdulang kahirapan,
Pilit tinanggal ang katarungan,
Pilit nilugmok sa kadiliman.

Ulan ng apoy sa kalangitan,
Ibinagsak sa taong sugatan,
Panaghoy dinig sa pagamutan,
Paaralan, bahay dalanginan. 

Bata’t matanda sa mga tahanan,
Nangarap matapos ang digmaan.
Payapang buhay, payapang bayan
Kayhirap mahanap at pagbunyian.

Tayong pinalad  sa kapayapaan,
Huwag hayaan ang kadiliman,
gumapos sa puso ng sambayanan,
na bumabangon mula sa kawalan.

                                   Amy Muga

                                   Ina, manunulat, kalakbay
                                   Agosto, 2014

Monday, 28 July 2014

Pananagutan

"Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang

Koro:


Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling nya
Sa ating pagmamahalan at paglilingkod sa kaninuman
Tayo’y nagdadala ng balita ng kaligtasan
Sabay-sabay ngang mag-aawitan ang mga bansa
Tayo’y itinuring ng Panginoon bilang mga anak"


Fr.Eduardo Hontiveros, SJ

   Isa sa pinakamagandang kanta na narinig ko, na inaawit
mula sa puso ng maraming mananampalataya  ay ang
kantang "Pananagutan." Isinulat ito at nilapatan ng himig
ni Fr. Eduardo Hontiveros, SJ. 

    Mapayapang hamon ito sa pagsasabuhay ng ating
pananampalataya. Tapos na ang panahon sa panantiling 
tiklop-tuhod sa gitna ng kawalan ng katarungan, pagkibit-balikat
sa kahirapang nakikita natin sa ating bayan o maging sa mga 
bayang maligalig dahil sa digmaan. 

     Napanood ko kamakailan ang isang video documentary 
tungkol sa hidwaan sa Gitnang Silangan. Nakalulungkot at 
nakapanghihinayang ang bilang ng mga inosenteng nasawi sa 
walang humpay na pagbomba sa lupain ng Gaza. Sana magkaroon 
ng pangmatagalang resolusyon ang hidwaang ito; sana magtagal 
ang tigil-putukan. Napakarami na ang nagbuwis ng buhay, 
napakarami na ang naulila at nawalan ng mahal sa buhay. 



Acknowledgement: Pananagutan MTV, performed by Himig Heswita, produced by
Jesuit Music Ministry. https://www.youtube.com/watch?v=y8PC7oh4t0w  

Sunday, 20 July 2014

Tagatanglaw

I am dedicating this poem for Fr. John Joseph Caroll, SJ , my spiritual director, an advocate for the poor and marginalized and one of the most compassionate person I have ever met.   He passed on last July 17, 2014,

                                  - Amy Muga

naalala ko,
mga salitang binitawan mo,
isang araw sa kalagitnaan ng Hulyo,
kapaligiran natin ay binabayo
ng hanging dala ng nagbabadyang bagyo.

naalala ko,

mga palitan natin ng salita,
tungkol sa pagbangon,
tungkol sa paghilom,
tungkol sa pananampalataya.

pinagnilayan ko,

daang lalakbayin,
sigwang susuungin, 
tanglaw na babaunin,
pag-asang dadalhin.

salamat kapatid ko.

hindi ka bumitiw,
hindi ka lumisan,
hindi ka nagwalang-bahala
sa panahong  napakadaling gawin ito.

kapatid ko,

guro at estudyante ng buhay,
kapwa ko manlalakbay,
taimtim kong dadalhin sa aking puso,
ang iyong mga paalala't paggabay.


                                             Amy Muga
                                             ina, manunulat, kalakbay

                              










Tuesday, 15 July 2014

Touching Note

     I  cried when I first read this reflection written by human rights 
lawyer, Atty. Theodore Te two years ago.  I am reposting this in 
memory of the many unsung heroes who have worked tirelessly to 
uphold social justice and human rights in the country.

From Atty. Ted Te: 

     "Why stand for principle? Why fight, struggle, persist, 
persevere? Why go against the grain? Why put heart, 
mind, body, soul, strength, spirit for "hopeless causes" and 
"lost cases"? Why do it, for as long as I can remember?

     Because someone once did it: for me, and for countless 

others whose names they did not know, whose faces they 
had not seen, whose lives they had not encountered.

     Because, once when we were not free, someone stood 

up for principle; fought, struggled, persisted, persevered; 
went against the grain; put heart, mind, body, soul, strength, 
spirit for the many "hopeless causes" and "lost cases"; and 
did it for as long as they could remember--so that the country 
I call my own and the people I love could be a little bit freer; 
to fight, yet, another day.

     Because, even to this day, there is a need to do so. At this 

time, on this day, the struggle of Bonifacio, of Diokno and 
Tanada, of Alejandro and Olalia, of Joe Burgos for a freer and 
more just Philippines remains.

     Why stand? Why struggle? Why speak? Because there is a 

need to. "
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...