Google Translate the Entire Blog

Saturday, 27 July 2013

Kuwentong Buhay

"Ano ang kaya mong tanggapin tungkol sa iyong minamahal?"

 Mabuting tanong ito para kay Lally, ang karakter na ginagampanan ng artistang si Carla Abellana sa teleserye ng GMA-7 na pinamagatang "My Husband's Lover." Sa mga episodes na napanood ko, lumabas ang husay ng  pananaliksik ng manunulat na si Suzette Doctolero at pagkakasulat niya ng isang kuwentong buhay na mabuting naipalabas sa telebisyon; makatotohanan ang pagkakaganap nina Carla Abellana, Tom Rodriguez bilang Vincent, Dennis Trillo bilang Eric at iba pang mga artista sa teleserye.

     Kuwentong buhay ito nina Lally, Vincent at Eric-tatlong taong nagmahal at nasaktan dahil sa mga desisyong nagpabago sa kanilang mga buhay. Mapagmahal na ina at asawa si Lally; "perfect wife and mother" siya kung tutuusin dahil inalay niya ang kanyang buhay sa kanyang pamilya para hindi ito matulad sa pamilyang kinalakihan niya. Mabuting ama rin naman si Vincent, responsable at magiliw sa kanilang dalawang anak ni Lally. Kaya lang, naroon sa puso niya ang  isang taong tunay niyang minamahal at nagmamahal rin sa kanya-si Eric. Kinakailangan niyang itago ang tunay niyang pagkatao sa kanyang mga magulang dahil alam niyang itatakwil siya ng mga ito kung sakaling mag-'ladlad' siya. Pinilit na lang niyang baguhin ang kanyang sarili, kalimutan si Erik, maging tunay na lalaki sa pag-aasawa kay Lally at pagkakaroon ng mga anak na patunay na nagbago na nga rin siya.  Hindi nga lang siya nagtagumpay sa paglimot kay Erik, isang kaibigang tunay na nagmahal sa kanya. 

   Natatandaan ko tuloy si M, isang kakilalang itinawil ng kanyang sariling pamilya matapos niyang mag-'ladlad' at sabihin sa kanila na siya'y isang bakla. Pinalayas siya at  sinabihang huwag umuwi sa bahay hanggang hindi bumalik ang kanyang "katinuan." Parang sinasabing may sakit siya sa pag-iisip kahit wala naman.  Ayon na rin sa mga dalubhasang nagsagawa ng masusing mga pananaliksik, hindi abnormal at hindi sakit sa pag-iisip ang pagiging lesbian, gay, bisexual o transgender. Nakakalungkot lang sa sitwasyon ni M, na dahil hindi siya matanggap ng mga taong nagsasabing mahal siya, kailangang baguhin niya ang kanyang sariling pagkatao. Tulad  rin ni Vincent sa "My Husband's Lover," kailangang magkubli siya sa takot at kasinungalingan.

    Nagpapasalamat ako asa GMA-7 na nagbigay sa mga manonood ng seryeng pantelebisyon na mahusay ang pagkakagawa at  parang sine na rin kung tutuusin. Sensitibo ang pagtalakay sa isyu ng homosexuality. Hindi one-dimensional ang mga karakter nina Lally, Vincent, Eric maging ang mga sumusuportang artista sa kanila. Tunay ang pagmamahalan nina Eric at Vincent at hindi lang libog sa katawan.  Impressed ako sa karakter ni Chanda Romero, ang ina ni Eric, dahil sa lawak ng kanyang pananaw sa buhay habang saludo naman ako sa karakter ni Glydel Mercado, ang ina ni Lally, dahil sa tibay ng kanyang loob na gawin ang lahat niyang makakaya  para lamang mapakain at mapag-aral ang kanyang mga anak.



                                              ***

Dagdag kaalaman :

Statement of  Psychological Association (PAP) on Non-Discrimination based on Sexual Orientation,  Gender Identity and Expression

http://www.pap.org.ph/includes/view/default/uploads/statement_on_lgbt.pdf
    
GMA-7 August 19 Episode of My Husband's Lover 
WebRep
currentVote
noRating
noWeight

No comments:

Post a Comment

My Comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...