Google Translate the Entire Blog

Friday, 14 September 2012

Sulat ng Ina sa Kanyang Anak (Part 2)

Panganay ko,

     Mataas pa ang lagnat ng kapatid mo kaya nagbabantay muna ako sa kanya dito sa bahay. Sana na nga lang hindi ito dengue; kung hindi pa magbago ang kalagayan niya, kailangan na nating dalhin siya sa ospital. 

     Salamat sa tulong mo sa pagpapaaral ng kapatid mo, anak. Alam ko, may mga bagay na gusto mong bilhin pero inuuna mo ang paglalaan ng pondo para sa tuition ng kapatid mo. Mabuti na lang at mas maayos na ang pag-aaral niya.

     Sa susunod na linggo, paalis na naman ako papuntang Mindanao. Tutulong ako sa pagbibigay ng pagsasanay para sa mga taong simbahan sa Cagayan de Oro at Iligan. Nakasama ko na sila dati noong Pebrero; ang ilan ay tumulong rin sa isang gawain para sa mga inang nagtrabaho sa sex trade dahil na rin sa kahirapan.    

      Babaunin ko kayo sa aking puso pagpunta ko doon. Alam mo, pinagmamalaki ko kayong dalawa ng kapatid mo, siyempre pa ang ama ninyo, sa mga nakakausap ko at nakakasama ko sa mga gawain.

     Nakakatuwa ang mga kuwento mo sa iyong trabaho. Napakabuti na nakapili ka ng trabahong magagamit mo ang husay mo sa matematika at pakikitungo sa mga tao.  Hindi pa ako tapos sa pag-aaral nang nagtrabaho ako. Manunulat ako sa isang pahayagan para sa mga manggagawa. Hindi pa nga ako gaano kahusay sa pagsusulat kumpara sa mga kasamahan kong pulido ang pagsusulat. Ginagawa ko lang ang aking makakaya para matuto pa sa ganitong larangan.

     Ngayon na nga lang binabalikan ko ulit ang pagsusulat na matagal ko na ring naiwanan. Medyo di ako panatag noong sinisimulan ko ang pagsusulat pero nang nakapagsulat na ako, tuloy-tuloy na rin yun. Naisama na nga yung isang isinulat kong akda para sa isang libro. Iyan  ang isa sa mga proud moments ng nanay mo pero di maihahambing sa sayang nararamdaman kapag makita kayong masaya rin  sa inyong mga ginagawa.

     Anak, maaring humarap ka sa mga pagkakataong mahirap para sa iyo.  Huminga ka ng malalim ng ilang segundo, saka mo isipin kung paano lulutasin at tutugunan kung ano man ang suliraning kinakaharap mo. Huwag kakalimutan na hindi mo kailangang saluhin lahat at merong mga taong maaring tumulong sa iyo.

     Meron ring mga tao na  maaring di kilalanin ang mga nagawa mo. Ay, hayaan mo na, anak. Alam mo ang totoo sa sarili mo, alam mo ang totoo sa mga ginagawa mo. Hindi mo kailangan ang opinyon ng iba sa lahat ng pagkakataon. Hindi mahalaga kung hindi sumasang-ayon ang iba sa mga bagay na gusto mong gawin sa buhay mo. Tandaan mo anak, ikaw ang magpapasiya sa landas na tatahakin mo sa buhay.

     Huwag mong kakalimutan na narito kami parati ng iyong ama at iyong kapatid para sa iyo. 


                                                                 Nagmamahal,

                                                                 Nanay 

2 comments:

  1. Isang liham na mula sa puso. saludo ako sa mga inang katulad mo. Napadaan lang. Nakita ko ang link mula sa Blogs ng Pinoy.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Ric. Sulat ito ng isang ordinaryong magulang na nagmamahal sa kanyang anak.

      Delete

My Comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...