Google Translate the Entire Blog

Sunday, 26 August 2012

Linggo ng Umaga sa Kasiglahan




     Binagtas namin ang mahabang lansangan ng Payatas Road papuntang Kasiglahan Rodriguez, Rizal upang maghatid ng mga relief donations sa mga pamilyang nasalanta ang mga tirahan noong nakaraang pagbaha.  Kasama ko ang mga volunteers ng mga samahang datirati nang tumutulong sa mga maralita- ang samahang Kalipunan ng Damayang Maralita, ang Center for People Empowerment in Governance, ang Anakpawis, ang ilang mag-aaral ng UP College of Social Works and Community Development (UPCSWCD) at ang Mariners Intitute na galing pa ng Bicol.


     Sa isang bahagi ng Kasiglahan, umabot  sa  bubong ng  mga bahay  ang baha dalawang linggo nang nakaraan. Ang mga pamilya dito ay napilitan nang lumikas at lumipat sa mga bakanteng bahay na inireserba ng National Housing Authority sa isang mas mataas na lugar sa komunidad. Dito dapat   ililipat ang mga pamilya galing naman sa mga bubuwaging komunidad ng maralita  malapit sa isang napakalaking shopping mall sa lungsod ng Quezon.

     Galing sa iba't ibang komunidad ng maralita ang mga pamilya dito sa Kasiglahan - mula Tondo, Navotas, San Roque atbp. Pagdating pa nila sa Kasiglahan, hindi pa sila magkakasama, hindi sila magkakakilala. Yung lambat ng suporta na maaring makatulong sa kanila ay hindi nila naisama sa bago nilang komunidad.


      Nalaman ko na tinambakan lang  pala ang ilog na dumadaloy sa lugar na tinayuan ng mga pabahay. Natural lamang na kapag tumaas ang malaking ilog na babagsakan ng tubig ulan na galing bundok dadaanan at dadaanan ang ilog na ngayo'y lupang sementado at tinirikan ng mga tirahan para sa maralita. Ganito na nga ang nangyari nung baha. Lumubog ang napakaraming tirahan.

     Sabi nga ng isang ina sa komunidad, " ang hinahanap namin ay hanap-buhay at hindi hanap-kamatayan".


Isa ang ina na nagtitinda ng Yakult; nabaha rin ang pamilya niya. Picture by Amy Muga

     Naroon rin ang takot nila at ng kanilang mga anak na bata sa baha at ulan. Marami ang nagsisimulang umiyak kapag nagsisimula nang umulan. Ganito rin ang naranasan ng marami pang mga mag-anak sa mga lugar na nasalanta ng mga kalamidad. Napakabuti kung merong lambat ng suporta mula sa kanilang komunidad.



Community leader in Kasiglahan  Photo Credit: Amy Muga


     Nalaman ko rin kanina ang pagpanig ng yumaong Kalihim Jesse Robredo para sa kapakanan ng mga maralita. Nanindigan siya na magkaroon ng moratorium sa mga demolisyon. 

      Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makasama sa grupong pumunta sa Kasiglahan kaninang umaga upang tumulong sa relief operations. Nagpapasalamat rin ako sa iba pang kasama na dati nang tumutulong sa mga gawain para sa maralita kasama na rin ang nagbigay ng kanilang oras, panahon, tulong suporta para sa gawain.


***



Ito ang artikulo ng  Center for People Empowerment in Governance tungkul sa naturang gawain: 



http://cenpeg.org/2012/governance/september2012/A-Town-Where-Staying-Alive-Counts-Most.html



***

Kapatid kong Minx, nasa panalangin kita parati. Maraming salamat sa iyo sa iyong tulong suporta sa mga nasalanta sa pagbaha.





Wednesday, 22 August 2012

August memories


Isa ang Agosto sa buwan na nag-iiwan sa akin ng napakaraming ala-ala. Una, dahil ang nag-iisang kapatid kong babae na si Minx ay  pinanganak sa buwan na ito.  Kasabay ng petsa ng kapanganakan niya ang paggunita sa kapanganakan ng  yumaong Pangulong Manuel L. Quezon. Tuwing kaarawan ng kapatid ko tuloy, walang pasok sa buong Siyudad ng Quezon. Siyempre pa, nung mga bata kami, tuwang-tuwa kami dahil isang araw ng bakasyon yun mula sa aming paaralan.

Tatlong taon ang tanda niya sa akin. Mabait at mapagmahal, maaalahanin at napakayaman na rin ang mga karanasan sa buhay. Naging fans rin kami pareho ng natatanging superstar, si Nora Aunor!


Napakatalino rin niya; nag-top siya ng entrance exam sa University of the Philippines Law School nung kumuha siya nito. Nakatapos rin siya sa Wharton Business School ng University of Pennsylvania.


Marami na siyang napagtagumpayan pero isa tagumpay na alam kong isinisilid niya sa kanyang puso ay ang pagiging ina ng isang  mabuting anak na ngayo'y nasa unang taon na sa kolehiyo. Naaruga niya ito at naihanda para salubungin ang mga reyalidad ng buhay.


Noong umalis ako sa aming bahay nang nag-full time na ako sa gawaing pagtulong sa sambayanan, isa siya sa mga taong tumulong sa akin. Mahirap rin nung panahong yun, walang katiyakan ang patutunguhan ko, iniwan ko na rin ang pag-aaral ko sa pamantasan.


Nung nakaraang pagbaha sa Kalakhang Maynila at karatig bayan nito, isa siya sa nagpadala ng tulong suporta para sa mga nasalanta.


***


Ginugunita ko rin tuwing Agosto ang petsang Agosto 21, kung saan napaslang ang dating Senador Benigno Aquino Jr., ama ng kasalukuyang pangulo ng bansa. Naging mitsa ito para magkaisa ang maraming puwersang lumalaban sa diktadura para paigtingin pa ang kanilang pakikibaka.  


Natatandaan ko nung mga araw pagkatapos ng Agosto 21 sa aming pamantasan, pawang ramdam ang galit at di katiyakan sa mga susunod na araw. Ganito rin ang nangyayari sa napakaraming lugar di lamang sa Kalakhang Maynila. Nagtapos ito sa pagpatalsik sa dating Pangulong Ferdinand Marcos at pagbabalik ng demokrasya sa bayan.



Kahapon, Agosto 21, ginunita ulit ang kabayanihan ng dating Senador Aquino. Naroon ang mga pormal na gawaing paggunita sa iba't ibang lugar sa Kamaynilaan. Wala ring pasok sa mga paaralan. 


Kahapon  rin natuldukan ang paghahanap sa isang mabuting taong nagsilbi sa ating bayan, si Jesse Robredo.  Bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya sa karagatan malapit sa Masbate nung nakaraang Sabado. Kahapon lamang natagpuan ng mga technical divers ang kanyang labi pati na rin ang mga labi ng dalawa pa niyang kasamahan.


Pinapanood ko ang panayam niya sa telebisyon dati.  Sinabi niyang nag-desisyon siyang magsilbi sa bayan matapos ang pagpaslang sa dating Senador Ninoy Aquino. Mula sa nakasanayang career path ng isang graduate ng De La Salle University, na tumuloy at umangat bilang isang executive sa isang korporasyon, pinili niya ang daang pinili rin ng dating senador, ang paglilingkod sa sambayanan kahit napakahirap ang nilalakbayan.


***








Monday, 13 August 2012

Remembering a Comrade


Minsan may pagkakataong nagiging malinaw sa iyo na kailangan mo nang iwan ang mga bagay na hindi mahalaga para mabigyan ng mas malaking panahon ang mga tao at mga gawaing nagbibigay-buhay sa iyo.  
         
Natatandaan ko yung mga nanay na nakausap ko sa  isang komunidad sa siyudad ng Quezon pagkatapos ng bagyong Ondoy. Nilubog ng tubig baha ang mga tirahan nila at  ikinasawi ito ng maraming nanirahan sa isang komunidad na ilang hakbang lang ang layo mula sa kanila.

Wala silang makain at walang mainom nung  nasa bubong sila ng kanilang mga tirahan. Buong magdamag silang  naghintay ng saklolo habang suot-suot ang mga damit na basang-basa sa walang humpay na pag-ulan.

Pagtila ng ulan at pagbaba ng tubig, binalikan nila ang mga tirahan nilang nilamon ng tubig, putik at basura. Wala pa rin silang makain at wala silang masuot na tuyong damit.

Sabi ng isang nanay, hindi na mahalaga kung luma, bago, pambabae o panalalaki ang isusuot nila o ng kanilang mga anak,  basta meron silang damit na maisuot. Bagama't nasira at maraming kukumpunihin sa mga tirahan nila, pati na rin ang mga  kasangkapan sa loob nito, nagpapasalamat sila at walang nasawi sa kanilang mag-anak. 

Sa panahong sadyang mahirap, nagiging malinaw kung ano ang mas mahalaga.

Dumating rin sa akin yung pagkakataong yun nuong Sabado nang malaman kong binawian na ng buhay ang isang kaibigan at kasamahan sa gawain. Namatay siya sa aneurysm o pagputok ng ugat sa daluyan ng dugo. 

Old pic on immersion in Smokey Mountain with the Student Christian Movement of the Philippines.We were talking to one of the trash-pickers " mangangalahig"who earns his living by looking for things that may yet be salvaged  from the trash. Ramon Te  is the second person from the left, I was the second from the right. Acknowledgement: Student Christian Movement of the Philippines photograph


Nakaramdam ako ng kawalan at pangungulila sa balitang yun. 

Matagal na ring hindi kami nagkita, huling kita namin ay sa isang gawain ng SCMP sa gusali ng National Council of Churches of the Philippines. Kasama niya ang kanyang anak na panganay. Nalaman ko rin na sumali na siya sa pulitika at naihalal na isang konsehal ng pamahalaang lungsod ng Caloocan. Malayo na rin ang kanyang naabot. 

Nakasama ko siya sa gawaing pag-organisa ng kabataang mag-aaral noong panahon ng diktadura. Pawang nakakatandang kapatid ang turing ko sa kanya, isang taong hindi mang-iiwan sa panahong mahirap. Isang kasama na marunong makinig at umunawa. 

Marami rin akong natutunan sa kanya, sa iba't ibang aspeto ng gawain, sa dedikasyon at commitment sa gawain bagama't hindi hayagang nabibigyang pagkilala. Tulad niya ang marami pang ibang kasamahan, na taimtim ang kagustuhang makatulong sa sambayanan kahit hindi sila kilalanin sa kanilang mga nagawa.

Salamat, kasamahang Ramon Te sa kalakihan ng iyong puso at dedikasyon sa gawan para sa sambayanan. Salamat sa mga aral na naibigay mo sa panahong magkasama tayo sa gawain. 















  


Sunday, 12 August 2012

Bagyo, Baha, Pagbangon

     Natatandaan ko ang isang taong ikinulong 
at pinahirapan noong panahon ng diktadura. Kasapi siya 
ng isang militanteng samahan ng mga manggagawa. Hindi mailarawan ang hirap na pinagdaanan niya mula nang 
hinuli siya at kanyang mga kasama isang gabing nakatatak na sa kanyang ala-ala.

     Nakausap ko siya sa isang gawain para sa mga dating detenidong politikal.  Sa gawaing ito, naihanda na silang magsalaysay ng kanilang mga kuwento sa mga taong mahalaga sa kanilang buhay.

     Bagama't may mga pagkakataong bumabalik pa rin sa kanyang alaala ang pahirap na ginawa sa kanya, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang 
kanyang gawain para sa batayang masa.

Nang tanungin ko siya kung paano niya nagawang 
panghawakan ang kanyang sarili sa gitna ng pagpapahirap 
sa kanya, sinabi niya sa akin na mahirap ang kanyang pinagdaanan pero nabibigyan buhay siya araw-araw sa pag-asa niyang  lumaya para ipagpatuloy ang kanyang gawain para sa mga manggagawa.  Inisip niya na ang kahirapan na kanyang dinanas ay ga-munggo lamang kumpara sa 
araw-araw na paghihirap na dinaranas ng mga maralita 
sa sambayanan

 Naalala ko ang kuwento niya ng pagbangon sa mga nakausap ko galing sa ilang komunidad sa Cagayan de Oro at Iligan City na diretsang tinamaan ng malawakang pagbaha bunga ng bagyong Sendong noong huling linggo ng Disyembre, 2011 

Kasama ng iba pang volunteer crisis responders, pumunta kami sa isang gawaing pagtulong na ipinatawag ng Roman Catholic Diocese ng Iligan City isang araw pagkatapos ng Pasko.

 Una kong pinuntahan ang  Cagayan de Oro, lugar kung saan napakarami ang nasawi bunga ng bahang nagpalubog sa maraming kabahayan at nagdulot ng pinsala at pagkaulila ng marami mula sa kanilang mga mahal sa buhay. Nakausap ko ang mga taong simbahan ng United Church of Christ in the Philippines na nagbukas ng kanilang pinto sa mga nsalanta. 

Photograph of Amy Muga taken at Iligan City December, 2011

Iligan City after Sendong Photograph taken by Amy Muga December 2011
Mandulog River Iligan City Photograph taken by Amy Muga December 2011
    Sa Iligan City, libo-libong putol na troso ang sumama sa tubig na galing sa kabundukan. Ilan sa komunidad na pawang nabura sa mapa ay malapit sa Ilog Mandulog, Natatandaan ko ang isang steel container ng tubig na nayupi bagama't mataas ang kinalalagyan nito; ganito kataas ang tubig na bumalot sa maraming komunidad nung panahong yun. Ganito kalakas ang paghampas ng mga trosong sumama sa rumaragasang tubig na bumagsak galing sa kabundukan.

   Karamihan ay kumapit sa pananampalataya at kagustuhang makita ang miyembro ng kanilang pamilya. Nakatulong rin ang aktibong pakikiisa at pagtulong sa kapwa sa panahong mahirap. 

                                             ***

  Bagama't maraming aral ang nahalaw na sa ganitong mga kalamidad, wala pa ring malinaw at pangmatagalang hakbang ang nakalatag na lulutas sa paulit-ulit na pagbaha.

      Mas bulnerable ang mga maralita sa ganitong sitwasyon; lalo pang nababaon sa hirap ang dati nang mahirap


     Napakahalagang maunawaan ang sitwasyong
kanilang kinapapalooban pati na ang mga sistemang 
sadyang nagpapahirap sa kanilang kalagayan. 



                                      ***


  

Saturday, 4 August 2012

Ang Kuwento ng Prinsesang HIndi Nagpasalo sa Kanyang Prinsipe at ang RH Bill

       Bata pa lang ako, nawili na ako na  makinig at magbasa ng mga kuwento mula sa  iba't ibang klaseng libro at babasahin, kasama na dito ang encyclopedia, komiks, mga magazine tulad ng Free Press, Kislap at Liwayway. Mahilig din kasing magbasa ang mga magulang ko kaya marami kaming babasahin sa bahay. Sa Liwayway,  natuto akong  magbasa ng mga sanaysay at maikling kwento tungkol sa napakalawak na mga paksa sa buhay. 

     May mga libro rin akong kinagiliwan dahil sa magandang pagkakaguhit ng mga pangunahing tauhan sa iba't ibang kuwento dito. Nakikibasa lang ako noon sa mga libro ng pinsan ko. Tuwang-tuwa ako sa  Disney books dahil sa napakagandang pagkaguhit kay Snow White, kay Cinderella at kay Sleeping Beauty. Mga kababaihang kailangang saluhin ng kanilang 'prince charming'.

     Kaya lang noon pa man, alam kong ang "happy ending" sa kuwento nina Snow White at kanyang mga kabaro ay  kathang isip lamang at hindi realidad ng  napakaraming pamilya sa lipunan natin. Realidad ang  napakalaking agwat ng mayaman at mahirap, maraming ina na namamatay sa panganganak, ang sistemang panlipunan na lalong nagpapayaman sa iilang makapangyarihan at nagpapahirap sa dati nang mahirap. Maraming babasahin na Free Press ang ama ko na naglalaman ng mga artikulong naglalahad ng mga isyung panlipunan at pampolitika kabilang na ang mga katiwaliang ginagawa ng pamahalaang Marcos noon. 

     Noong naging isang ina na rin ako, pinipili ko ang mga librong pambata na babasahin ko  sa aking mga anak na babae pati na rin pelikulang papanoorin nila. May libro akong binabasa sa kanila tungkol sa mga kababaihang naninindigan at makabayan. Nariyan rin iyong mga kwento ko sa kanila tungkol sa mga bayani ng ating bayan na pinarangalan at hindi pa pinaparangalan.

     Natuwa ako noong ipalabas ang pelikulang Mulan dahil kakaiba ang istorya niya na tiyak na mabuting halimbawa sa anak kong bata. Tungkol ito sa isang simpleng babae na piniling maging sundalo ng kanyang bayan para hindi mapahamak ang kanyang ama. Yun nga lang, kailangan pa ring magtapos ito sa pag-iisang dibdib ng bidang babae at ka. nyang "prinsipe."

    Kagabi, kasama ko ang bunso kong anak at ang aking asawa sa panonood ng isang kakaibang cartoon na gawa ng Pixar-ang BRAVE. Ito ay pelikula tungkol sa isang matapang na prinsesang si Merida na matigas na nanindigang  siya ang magdedesisyon para sa kanyang sariling buhay.  Mabuting ipanood ito sa mga batang babae at batang lalaki, para alamin nila ang kanilang kakayahan at  matutuhan na hindi kailangang madaliin ang pakikipagrelasyon (o maging magkaroon ng isang karelasyon) para magkaroon ng happy ending sa buhay.


         
Tulad ni Merida, naroon din ang pakikipagsapalaran ng maraming kababaihan sa bayan natin na subukang hanapin ang sarili sa mahabang lansangan ng buhay. Marami, dahil sa kahirapan, ay natitigil sa pag-aaral, mapipilitang magtrabaho sa murang edad, mabubuntis at magsisilang ng sanggol samantalang bata pa rin kung tutuusin. Marami ang tuluyan nang matatali sa loob ng bahay sa pangangalaga ng mga batang kumakalam ang sikmura. 

     Hindi fairy tale na buhay.

     Iniisip ko ito ngayon dahil sa  nalalapit na ring pagbotohan sa kongreso ang pagpasa sa  Reproductive Health (RH) Bill. Mainit ang diskusyon  at debate sa isyung ito.

     Naniniwala ako na hindi pagkitil ng buhay ang nilalaman ng mga probisyon ng RH Bill. Nabibigyang  pagpapahalaga nga ang buhay hindi lamang ng mga sanggol kundi ng kanilang mga ina.  Mabibigyang kaalaman ang mga kabataan tungkol sa kanilang seksuwalidad para mapangalagaan nila ang kanilang sarili at maiwasan ang maagang pagbubuntis. Malayang mapipili ng bawat pamilya, mahirap man sila, kung ilan ang mga anak na kaya nilang bigyan ng makataong pamumuhay.





Wednesday, 1 August 2012

Mga kanta ng buhay

   
Amy Muga's photograph, taken at Mirador Jesuit Villa Baguio City May, 2012

           May ilang kanta na sadyang nagagandahan ako dahil sa titik at pagkakalapat ng himig dito. 

           Isa dito  ay ang  Sangandaan  na  isinulat ni Pete Lacaba at isinahimig ni Ding Achacoso. Unang kinanta ito ni Pat  Castillo para pelikulang Sister Stella L. Matatagpuan ang cover na ginawa ni Noel Cabangon at ng yumaong mang-aawit na  si Susan Magno sa Youtube. Sangandaan

          Ang isa pang awit na laman ngayon ng CD player ko ay ang SANA na nilikha ni Levy Abad Jr. at kinanta ng grupong Musikangbayan. Nasa Youtube rin ang kantang ito kasama ng iba pang awitin sa CD na Rosas ng Digma.
    
   
SANA



isipan ma'y napapagod din
sa pag-iisip ng mga kataga
na magsasalarawan ng tunay
na nadarama ng puso ko


ngunit nang ika'y dumating
ang aking isipa'y biglang sumigla
ang mga titik at himig
ay tila di mapigilang agos ng batis


sana sa tuwina'y kapiling kita
sa paglikha ng mga awit ng paglaya
sana'y laging kasama kita
sa pagsasalarawan ng buhay
sana sa tuwina'y kapiling kita
sa paglikha ng mga awit ng paglaya
sana'y laging kasama kita
bigyan natin ng kulay ang buhay


dahil mithiin ay iisa
at ang katuparan nasa ating pagpapasya
ang ibig ko lamang ay narito ka
katuwang at kasama sa pagkilos


dama ko ang lumbay at saya
sa saliw ng aking gitarang dala
hatid ay pag-ibig sa bayan
na di kailanman mapapantayan


sana sa tuwina'y kapiling kita
sa paglikha ng mga awit ng paglaya
sana'y laging kasama kita
sa pagsasalarawan ng buhay
sana sa tuwina'y kapiling kita
sa paglikha ng mga awit ng paglaya
sana'y laging kasama kita
bigyan natin ng kulay ang buhay


sana sa tuwina kapiling kita.....



                             
                              
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...