Google Translate the Entire Blog

Tuesday, 24 July 2012

Wawel

     Pagkukwento ang isa sa gusto kong ginagawa  kapag 
bonding time namin ng aking mga anak.  Nariyan  ang mga kuwento samga nakakatuwa at nakakatawang mga karanasan 
ng buhay, mga pagpupunyagi at tagumpay ng mga ordinaryong 
tao, pati na rin ang mga aral tungkul sa mga isyung pambayan 
na napanood nila sa telebisyon. 

     Naikwento ko na rin  sa kanila ang mga  pinagdaanan 
namin ng kanilang ama  pati na rin kung paano kami 
nagkakilala.  Siyempre pa, parati kong sinasabi sa kanila 
kung gaano namin sila kamahal.

     Hindi rin naman one-way na kwentuhan ito. Sila rin may sariling mga kwento na gustong-gusto ko ring pinapakinggan. Nariyan ang mga kwento nila sa kanilang mga  karanasan sa paaralan, ang mga kaklase nila na masayang kasama pati na 
rin ang mga hindi; ang ilang guro nilang mahusay magturo at nabibigyan sila ng inspirasyong pagbutihin pa ang pag-aaral. 

     Sa kwento, matutunan kung ano ang mahalaga sa isa't isa. Mapaghahalawan rin ng mga aral sa buhay ang mga kwentong binahagi. O, mag-iiwan ng mga katanungang susubukang 
hanapan ng mga kasagutan.

     Noong batang-bata pa sila, laman ng story-telling session naming mag-asawa,  ang buhay ng  mga bayani sa ating bayan. Kasama na rito ang mga bayani na lumaban sa diktadura tulad
 nina Lorena Barros, Edgar Jopson, Lean Alejandro at marami 
pang iba na nanggaling sa batayang mga sektor ng ating lipunan. 

     Bayani rin ang turing ko sa mga  taong tumutulong para magkaroon ng pundamental na pagbabago sa kalagayan ng maralita. 

     Nakuwento ko rin sa kanila na meron ring mga bayaning maituturing na mga ordinaryong ama, ina, kapatid, kapamilya 
na patuloy na itinataguyod  ang  kanilang pamilya bagama't napakahirap ang sitwasyong pinagdaraanan.  

     Isa si Wawel Mercado sa mga bayaning ito.  Namatay 
siya halos kasabay nang pagpanaw ng isang kilalang artista
 ng bayan  dalawang linggo nang nakaraan.  Kung hindi pa 
dahil sa isang kasamahan, hindi ko nalaman na namayapa na 
rin siya.

     Narinig ko ang kuwento niya mula sa  guro kong 
Heswita; kuwento ng isang wagas na pagmamahal sa 
kanyang kapwa.

     Sumulat rin ako sa kanya dati upang ipagpaalam ang 
isang artikulo niya na ilalagay ko sa aking yahoo group.  
Kuwento ito ng buhay nilang mag-anak pagkatapos ng 
nangyari sa kanyang asawang si Mila. Pumayag siya at nagpapasalamat ako para dito.

     Itinaguyod ni Wawel ang kanyang mag-anak bagama't napakahirap ng kanilang sitwasyon. Nagkaroon ng  
kumplikasyon sa panganganak si Mila, na-coma siya bunga 
nito at tuluyan na naapektuhan ang pangkabuuan niyang 
kalagayan. Si Wawel, sa tulong ng kanyang mga kapatid, 
ang umako ng responsibilidad hindi lang sa pagpapalaki at paggabay sa kanilang nag-iisang anak na si Therese, kundi 
pati na rin sa pangangalaga kay Mila.

     Sa mahirap na pagkakataon, hindi siya bumitiw, hindi 
niya pinabayaan ang kanyang mag-anak. Ilan kayang mga
 ama o mga ina ang tulad rin ni Wawel sa panahon ngayon? 





Sunday, 15 July 2012

Maita

Pumunta ako kagabi sa burol ni Maita Gomez, isang gurong makabayan, manunulat, ekonomista, at dakilang ina ng limang anak. Isa siya sa mga kababaihang naging modelo ko nung mag-aaral pa lamang ako.

Marami rin akong nakitang pamilyar na mukha sa burol, mga nakasama sa gawain at nakakasama pa rin ngayon. Lahat ay naroon upang bigyang pugay ang ala-ala ni Maita at makiisa sa pinagdaraanan ng kanyang mga naulila.

Sana hindi lang sa ganitong mga pagkakataon kami magkita-kita.

Kapayapaan Maita. Buhay ang ala-ala mo sa amin.

***

Narito ang isang artikulo ng mamamahayag na si Ellen Tordesillas tungkul kay Maita Gomez. Salamat Ms Ellen sa napakaganda mong isinulat.

Ang kagandahan ni Maita Gomez 

                                                  
Nakakalungkot. Wala na si Maita Gomez.
Pumanaw si Maita habang siya ay natutulog Huwebes ng hapon, habang ang buong bansa ay namimighati sa pagkamatay ni Dolphy.
From Ellen Tordesilla's article,
Ang Kagandahan ni  Maita Gomez
Sabi ni Anna Leah Sarabia, kaibigang matalik ni Maita, natulog si Maita pagkatapos niya kumain ng tanghalian. Ginising siya ng kanyang anak nang tumawag ang kanyang opisina. Hindi siya sumasagot at nang buksan ang kanyang kuarto, patay na siya.
Napaka-payapa ng kanyang pagpanaw.Sabi nga namin ni Human Rights Commissioner Etta Rosales nang magkita kami sa burol ni Maita,kung pwede lang sana hilingin kay Lord, ganun na rin niya kami kukunin.
Nakakatuwa nga kung isipin ang buhay ni Maita na laki sa mayamang pamilya, kolehiyala, naging model, beauty queen, na naging amazona.
Nag-aral si Maita ng medisina sa University of the Philippines. Siguro doon umigting ang kanyang pagka-mulat sa hindi makatarungan na pamamalakad ng pamahalaan at ang maaring papel na gampanan ng bawat mamamayan.
From Ellen Tordesilla's article
Maita with another beauty queen-activist, Nelia Sancho.
Namundok siya nang maiinit na ang mata ng military sa kanya. Sumali siya sa New People’s Army. Hindi lang ako sigurado kung ito ay nangyari bago idineklara ni dating Pangulong Marcos ang Martial Law.
Doon sa kanyang burol, nandun si Melissa, ang pinakamatanda nyang anak na kasingganda niya. Sumubok mag-artista noon si Melissa ngunit hindi tumagal.
May mga ilan na nagkwento kay Melissa na tumira silang mag-ina sa kanila nang nagtatago pa sila sa military.
Ang pagka-alam ko nagkasakit si Maita sa bundok at nabalitaan ko na lang na nahuli siya.
Ang una kung trabaho dito sa Manila ay sa isang fashion magazine, Style. Modelo pa lang si Maita noon at talagang lutang siya sa mga fashion show. Mataas kasi siya, payat at talagang maganda kumilos.
Nang bumalik siya mula sa bundok, sa mga rally at sa mga seryosong forum ko na siya naku-kuberan.
Simple lang siya. Walang yabang, walang arte. Makabuluhan ang mga sinasabi.
Naala-ala ko noong 2010 na kampanya, nagkita kami sa isang restaurant sa Batangas. Papunta akong Batangas city para mag-cover ng political rally ng Liberal party na si Noynoy Aquino ang tumatakbong presidente.
From Ellen Trodesilla's article

Maita's modeling days. She is second from left.
Siya naman, papuntang sa ibang bayan ng Batangas at nanga-ngampanya para kay Satur Ocampo na tumatakbo noon bilang senador sa tiket ng Nacionalista Party na ang kandidatong presidente naman ay si Manny Villar.
Kung personal lang ang kanyang ini-isip, hindi na sana naging aktibista si Maita. Mayaman ang kanyang pamilya. Pamilyang Favis ang kanyang ina at Gomez ang kanyang tatay. Nakapag-asawa muna si Maita ng isang Perez-Rubio bago siya namundok. Nang bumalik na siya mula sa bundok, nag-asawa siya kay Heber Bartolome, singer-composer.
Hanggang sa huli ng kanyang buhay, aktibo si Maita sa pagpabuti ng kabuhayan ng mga Pilipino na nasa kanayunan, lalo na ng mga kababaihan.
Ang kagandahan ni Maita ay hindi lamang panlabas. Pati ang kanyang kalooban.
Ipagpatuloy natin ang mga itinuro, ibinahagi at isinakripisyo ni Maita. Matutuwa yan siya habang tinitingnan niya tayo mula sa itaas.

Thursday, 12 July 2012

Patuloy na pasasalamat...

                        Ipinagpapasalamat ko ang bawa't araw na kasama ko
                        ang  aking matalik na kaibigan at aming mga anak...
                        maging ang mga pagkakataong hindi kami magkakasama...

Photograph by Amy Mega

...sa mga pagkakataong nakakita ako ng payak na kagandahan sa aking paligid...

Photograph by Amy Muga

                            ... at nabigyan ako ng pagkakataong lubusang magmahal.
Photograph by Amy Muga
                                       



WebRep
currentVote
noRating
noWeight

Wednesday, 11 July 2012

Despedida






Nalulungkot ako sa mga pamamaalam. May ilang beses na rin na hindi ako dumadalo sa mga despedida o pagtitipon para sa ilang kaibigang naging malapit na rin sa akin. 


Ilan sa mga kaibigan ko ay umalis na para tugunan ang panibagong mga gawain sa malayong mga lugar. Dalawa sa kanila ay lumipat na sa hilagang bahagi ng Mindanao samantalang ang isa sa kanila ay lumipat na ng gawain sa rehiyong MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan). Ang isa naman, na naging guro at gabay ko sa sa gawaing sanggunian, ay malapit na ring umalis patungong isang karatig-bansa natin.


Bagama't nakakalungkot na maaring magtagal bago ko sila makita ulit, alam ko na nariyan sila at maraming pamamaraan para hindi maputol ang koneksiyon sa isa't isa. Alam rin nila ito. Isang mundong konektado, ika nga.


Pamamaalam ng Sambayanan

Nung isang linggo, si Willem Geertman, isang misyonero at social development worker na tumutulong sa mga maralitang magsasaka ng Gitnang Luzon ay pinaslang ng mga armadong kalalakihan. Pinaslang nang walang awa ang isang misyonero, na tinalikuran ang mapayapang buhay sa kanyang sariling bayan upang magsilbi sa mga maralita ng bayan natin.  Nakakalungkot at nakakagalit na nangyayari pa rin ito dito ngayon.

Kahapon naman,  namayapa na ang isang taong kinilala ng marami sa husay niyang magpatawa at umunawa kung ano ang makakapagbigay saya sa ordinaryong Pilipino.  Kinalakihan ko ang mga palabas niya sa telebisyon; mula sa mga re-run ng mga pelikulang pinagbidahan niya, sa palabas na John en Marsha na minsan kinaiinisan ko na rin dahil sa paulit-ulit na sinasambit ng dakilang biyenan ni John sa kanya, " o, John, magsumikap ka..." Nakakalungkot ang pagpanaw niya.

Si Dolphy, Si Willem at marami pang nag-alay ng dugo at pawis para sa kanilang kapwa, sa mga kaibigang tatahak ng panibagong mga hamon sa kanilang buhay:

Patnubayan kayo ng Panginoon at nasa panalangin kayo ng sambayan.


Pahabol:


May luksang parangal para kay Willem Geertman mamaya, Hulyo 11 sa Sto Domingo Church, 6 ng gabi.


Isa sa pelikula ni Dolphy na umani ng mga parangal di lamang sa bayan natin ay ang   Markova: Comfort Gay na nagpatunay sa husay niya bilang isang alagad ng sining.  


Narito ang unang bahagi ng pelikulang ito, na mapapanood sa  YOUTUBE.







Monday, 9 July 2012

Awit sa Kasal

   Ilang araw bago mag-Pasko, ipinagdiwang namin ni Felix, matalik kong kaibigan, ang maraming taon naming pagsasama, na pinuno namin ng ngiti, pagmamahal at pananampalataya. 

 Mahaba at masalimuot ang dinaanan namin sa aming paglalakbay. Sa maraming pagkakataon, sa mga nagdaang mga taon, lalong lumalim ang pagmamahalan namin sa isa't isa.


    Simpleng okasyon na pinagdiwang namin kasama ng mga taong malapit sa aming puso. Siyempre pa, naroon ang dalawa naming anak na nagbibigay ngiti sa aming puso. Naroon rin ang mga taong nagsilbing gabay sa buhay naming dalawa,  mga taong inspirasyon namin sa buhay. 



Renewal of vows, photograph by Amy Muga December 2011 All rights reserved.
    
     Inawit ng grupong TAMBISAN sa Sining ang ilan 
sa mga awit na gustong-gusto kong marinig noon pa 
man sa aming kasal. Nariyan ang "Panganay sa Umaga," 
na nilikha ng makatang si Joey Ayala pati na ang 
"Awit sa Kasal" ng grupong BANYUHAY.




Ilan sa linya sa kantang "Awit sa Kasal" na umantig 
sa puso ko ay ang sumusunod:

"may bagyong darating sa bawa't buhay
susubukin kung tayo ay sadyang matibay
humawak sa aking kamay, huwag bibitiw
kung madapa tayo ay babangon din."

Gandang-ganda ako sa kantang ito; sabi ko ko nga sa anak kong panganay, sana sa kasal rin niya balang araw kantahin rin ito. Salamat sa grupong BANYUHAY sa paglikha ng napakagandang awit na ito at sa grupong Tambisan para sa pagpiling awitin ito sa aming anibersaryo.


 Acknowledgment: The song " Awit sa Kasal" was composed by singer-artist
Heber Bartolome of the group, BANYUHAY.

Sunday, 8 July 2012

Ina





Photograph by Amy Muga

Sa maraming pagkakataon, nagsilbi akong chronicler o historyador sa buhay ng mga anak ko. Kumukuha ako ng mga litrato (litratista!), inilalarawan ang kanilang paglaki sa  sa aking diary, nagsisilbing guro, advocate o cheerleader, drayber, coach o tigapayo at marami pang iba.

Story-teller rin nila ako. Kinukwentuhan ko sila ng mga istorya tungkul sa mga tao at mga pangyayaring   maari nilang  paghalawan ng mga aral sa buhay. Kasama rin dito ang  kasaysayan ng bayan natin, dahil napansin kong di nagiging matingkad ang talakayan sa librong binabasa nila sa paaralan.

Ginagawa ko ang ginagawa na rin ng maraming ina. Yun nga lang, hindi ako ang nanay na magtatagal sa kusina upang magluto kahit gusto ko ring gawin ito. Pinapasimple ko lang ang maraming gawaing-bahay para mas maraming panahon akong magugol sa kanila at sa aking gawain.

Ginagawa ko ang aking makakaya para naroon ang presensiya ko sa lahat ng mahahalagang bahagi ng buhay nila, kahit alam kong hindi sa lahat ng pagkakataon matutugunan ko ang mga ito.

Hindi maaring naroon ako sa kanilang tabi sa lahat ng araw na haharapin nila ang mga pagkakataong mahirap at puno ng hamon. Naroong madadapa sila, babangon at matututo dito.

Pero sige, sa pagiging ina na pinagmamalaki ang kanyang mga anak, na naghahangad ng lahat ng mabuti para sa kanyang anak, ako na yun.

Sabi nga ng isang kaibigan matapos niya makita ang isang video na kuha sa choral recitation ng bunso ko, "O proud mama ka 'no?"

Ay oo, proud nanay, inang nagmamahal.

Video na kuha kay bunso:



Friday, 6 July 2012

Matalik na Kaibigan





Nagpapasalamat ako sa isang taong nakasama ko sa panahong mahirap at panahon ng pagbubunyi. Matalik na kaibigan ko siya; nagkakilala kami sa samahang Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), nagkasama kami sa maraming mga rally at gawain. 

Isa siyang gurong makabayan, mananaliksik at dalubhasa sa matematika. Isa rin siyang mabuting ama at mapagmahal na kaibigan. Salamat, mahal kong Lex, sa higit na 25 taong pagmamahal sa amin ng iyong mga anak at sa ating bayan.


                                             



Mula sa Promotion of Church People's Response

     Nabasa ko itong isinulat ni Bro. Daniel Xenon Ngujo, MJ para sa lectionary ng Promotion of Church People's Response at maraming bumalik na ala-ala sa akin tungkul sa maraming taong nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan:


     "I want to share a story of a mother whom I met in our apostolate in one of the urban settlers’ area the National Capital Region (NCR). 

      She lived in a dilapidated hut. She lived with her husband who was sick of tuberculosis. I was struck when I asked her, Nanay bakit di ka na lang magpahinga sa pagsasali ng rally para magfocus ka na lang muna sa husband mo, total may mga iba naman na sasali… 

       She answered with conviction, alam mo, Brother, ang ginagawa ko ay di madali. Siguro para sa ibang tao na nakakakita nito, pwede nila akong tawaging gaga kasi mas binigyang pansin ko pa ang rally kaysa husband ko… inaasikaso ko siya at di ko pinabayaan ang asawa ko…ang pagtugon ko sa taong bayan ay sinimulan ko noon, noon pa, bago ka pa siguro isinilang.

        Ito ay di lang bahagi ng buhay ko kundi ito na ang buhay ko. Masayang-masaya ako kapag nakapaglingkod sa kapwa. Kung minsan dyan sa daan ay gutom ka habang nasa rally, hindi ito ang iniisip ko kundi ilan pa kaya ang gugutomin na bata dahil sa kahirapan… Ito ay parang misyon ko na… tulad mo rin Brother marami ka nang na-give up na at siguro ngayon may maganda ka ng trabaho at kotse, pero pinagpatuloy mo yung misyon na sinimulan ni Kristo….  This conversation really inspired me –that of a simple wife taking care of a sick husband and at the same time radically following Christ for the sake of the gospel."

Acupuncture



Nag-aral ako ng ear acupuncture detoxification  para matuto ng iba pang paraan sa pagtulong sa aking kapwa, lalo na sa mga taong nangangailangan ng kaginahawaan. Isa akong kalakbay at social development worker. Gawain ko ang pagtulong sa mga taong dumaraan sa mahirap na karanasan o matitinding krisis ng buhay. Sa marami na ring pagkakataon, nakakasama ko ang iba pang tumutulong sa mga survivors ng kalamidad o maging careproviders nila.

Natatandaan ko ang karanasan ko sa isang komunidad sa Lungsod ng Quezon, pagkatapos ng bagyong Ondoy. Nakausap ko ang ilang inang hindi mapakali, walang kanatagan dahil sa nangyaring pagbaha sa kanilang lugar na nagpalubog sa kanilang komunidad at ikinasawi ng napakaraming tao mula sa isang komunidad na ilang hakbang lang ang layo mula sa kanila. Natatakot silang matulog sa gabi dahil maaring biglang bumaha sa gabing himbing sila sa pagtulog ng kanilang mag-anak.  Ang kanilang nararanasan na agam-agam at takot ay normal na maaring maranasan ng sino mang dumaan sa napakatindi at abnormal na nangyari dati sa kanilang komunidad.

Pero sa totoo lang,  may posibilidad nga namang mangyari ang pinangangambahan nila tulad na rin ng nangyari sa mga komunidad sa Cagayan de Oro, Iligan City at karatig pook nito na natangay sa flashflood isang gabi binabayo sila ng walang tigil na ulan.

Pero paano ang pagtulong sa kanila? Sapat na ba ang ginagawang pagtulong ng mga crisis responders? Ano pa bang paraan ang maaring gamitin para mabilisang maibsan ang pisikal nilang nararamdaman noong mga panahong yun?  Para sa akin, hindi sapat na magpakahon sa isa o ilang pamamaraan lamang, kahit naging matagumpay ito sa karanasan ng iba pang mga komunidad o kultura.

Natutunan ko sa training na ibinigay ng NADA Philippines, na nakatulong ang pagbibigay ng acupuncture sa mga survivors ng Bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City para makaramdam ng kapanatagan sa gitna ng kaguluhang nararanasan sa loob ng evacuation site. Nagbigay ng ear acupuncture ang grupo ng NADA pati sa mga mga bata sa ilang evacuation site. Isang magandang balita ito para sa akin!

Napakahalagang bahagi ng training namin  ang pagbibigay ng aktwal na acupuncture detox sa mga pasyenteng kusang loob na papayag dito. Nagbigay kami ng ear acupuncture sa mga babaeng detainees ng Camp Karingal.

Iba't iba ang kasong kinasangkutan ng mga detenido da Camp Karingal, Sa mga pasyente ko halimbawa, marami ang nasangkot sa mga kasong bunga ng paggamit ng pinagbabawal na gamot, ang ilan naman ay naroon dahil naipit sa kasong isinampa ng mga kakilala nila.

Maingay at pawang walang katapusang iskedyul ng mga gawain ang buhay ng mga detenido dito. Pagdalo sa Bible study, prayer meeting, religious service ng iba't ibang grupong panrelihiyon ang buhay ng detenido sa kampo, bukod pa sa gawaing nila mismo sa loob nito.  Sa isang banda, mabuting gawain ito na maaring magpalakas ng kalooban ng mga detendio. Iniisip ko nga, tiyak na kapag nakalaya na ang detenido dito, magiging pastora na siya o isang taong nanghihikayat sa mga kasamahang lumapit sa Panginoon.

Paano kaya sila makakakuha ng pagkakataon mapanatag ang sarili sa isang kapaligirang magulo?

Nakakausap ako ng ilang detendio at maging ilang tagapamahala ng detention center. May isang bagay na nagbibigkis sa kanila - ang kalagayang hirap sila sa pagtulog.  Para sa detenido, mahirap matulog kung ang kapaligiran mo ay maingay. Isama na rito na kailangan kang makipagsiksikan sa maliit na espasyo para sa iyong tutulugan. Para naman sa mga nagbabantay o namamahala sa kanila, naroon yung pangangailangang maging alerto sila 24 oras. Mababaw tuloy ang tulog nila gabi-gabi.

Ayon sa nabigyan namin ng ear acupuncture detox, mahimbing ang naging tulog nila nung kinagabihan. Maging ang kanilang pagdumi, naging maginahawa. Bagama't hindi pa masusi ang pag-aaral ko sa mga salik na maaring nakatulong para sa pagkamit nila ng ganitong kalagayan, mismo ang pagbalik nila sa mga susunod na araw ay patunay sa sinasabi nila sa amin.

Isa ring bagay na kapansin-pansin ang pagiging mas bukas ng bawa't isang detenido sa pagkuwento ng kanilang pinagdaanan pagkatapos ng isang session ng ear detox. Bunga ba ito ng positibong epekto ng acupuncture lang o kasama na ang personal na pakikitungo ng ADs sa kanila? Marami nga naman sa kanila ay hindi madalas nadadalaw ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa ngayon, ang matitiyak  ko lang ay ang personal na patunay ng mga pasyente namin sa Camp Karingal pati na rin mismo ang mga mahal ko sa buhay ana bumuti ang kanilang piskal na kalagayan pagkatapos nilang maranasan ang ear acupuncture detox.   Nagpapasalamat rin ako sa grupo ng NADA Philippines sa inisyatiba nilang ipaalam ang ganitong pamamaraan sa mas marami pang komunidad na nangangailangan. 

Situationer



Litratong kuha  sa Smokey Mountains, ilang taon na ring nakalipas. Kasama ng iba pang miyembro ng Student Christian Movement of the Philippines, kinakausap ang isang nangangalahig ng basura.



Binabasa ko ang isang akdang isinulat nina Ed Villegas at Roland Simbulan tungkul sa kahirapang dinaranas ng mga manggagawa at maralitang taga-lungsod sa Kalakhang Mayanila. Matingkad na suliranin ang kakulangan ng hanapbuhay na nagdudulot ng kawalan ng kapanatagan sa maraming maralita.

Ayon sa NSCB, ang poverty incidence sa bansa ay umaabot ng 26.5% o 23.1 milyong Pilipino na kumikita na mababa sa P16, 841 sa isang taon. Ito ang kinikita ng nasa poverty line.

Yung pangangailangan ng ikabubuhay ay sinasabi na rin sa akin ng mga nakakausap ko sa isang komunidad sa Siyudad ng Quezon. Pangunahin talaga ang suliraning pampinanasiya. Pumapangalawang suliranin para sa mga inang nakausap ko ay relasyon sa loob ng tahanan, kasunod ang relasyon sa komunidad.

Totoong magdudulot ng di kapanatagan kung hindi mo alam kung saan kukuha ng kakainin sa susunod na mga araw. SA isang komunidad ng maralita malapit sa dalawang naglalakihang "mall", nariyang di na umaalis ang mga nanay na naghahandang ipaglaban ang kanilang mga tahanan sa demolition crew.  May mga rumuronda nang mga security guards sa paligid ng kanilang mga komunidad, pahirapan na rin ang pagkuha ng mag lisensiya kapag sinabing nakatira ka sa komunidad na yun.

-----------

Advertisement sa Payatas

Gawain sa Payatas

Thursday, 5 July 2012

Pagbalik sa Pagsusulat

Isa sa meron ako pero hindi ko nabibigyan ng panahon ay ang pagsusulat.  Nasa puso ko ito, ilang beses na binalikan, nagbukas ng isa o dalawang blog kasama na rito ang online diary pero hindi ko na rin napagpatuloy dahil sa kakapusan ng oras.

Hulyo na, nakakalahati na ng taon. Narito na ako, nagsusulat ng kwento ng buhay. 

Itong blog ay kwento ng buhay ng isang ina, ng maraming inang tulad ko na naglalakbay, nakikipagsapalaran, nagmamahal, nadadapa, nagpapamalas ng lakas sa gitna ng mga unos ng kanyang buhay.

Paminsan-minsan rin isusulat ko ito sa Ingles. Basta type kong magsulat.

Di lamang seryosong mga paksa ang isusulat ko dito. Siyempre pa, dahil kwento ng buhay, nariyan ang mga katatawang narinig, nababasa at napapanood.

Okay, mga kabaro at mga kaibigan.

Let the games begin...( kuha mula sa "Hunger Games")

:)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...