Google Translate the Entire Blog

Saturday, 26 December 2009

Pagbabalik-tanaw




Pag-asa sa Pagbangon


Pag-asa sa Pagbangon

Halos tatlong buwan na rin nakalipas mula nang dumating ang sunod-sunod na bagyong nagdulot ng nakapanlulumong baha sa Metro Manila, Bulacan at umabot pa sa mga probinsya sa Norte, kabilang na ang Pangasinan, Isabela Benguet at Mt. Province. Nakapanlulumo dahil sa bilang ng nasawi, sa dami ng napinsalang mga pananim, sa rami ng nawalan ng tahanan at nawalan ng mga mahal sa buhay. Sa panahong baha pa nga ang iba pang lugar, may panibagong bagyo pang naglubog sa mga bahay na dati nang nalubog, nagpahirap sa mga taong dati nang mahirap.
Araw ng Setyembre 26, stranded ang anak ko sa Katipunan dahil abot-baywang na ang baha sa labas ng Ateneo. Nagpasiya na siyang sumama sa ilang kamag-aral at subukang tawirin ang mababaw na bahagi ng lansangan at tumuloy sa gusaling tinitirhan ng isang kasama at doon na magpabukas. Marami ring mag-aaral at mga guro ang stranded at minabuti na ng kanilang pamantasan na doon na muna tumigil sa loob ng pamantasan.
Ang ganitong pangyayari ay naulit sa maraming bahagi ng Metro Manila – mga lansangang mabilis na binaha, mga mag-anak na napilitang magpabukas sa bubong ng kanilang mga tinitirhan, mga magulang na pilit makauwi sa kanilang mga tahanan sa gitna ng peligrong susuungin upang sagipin ang kanilang mga anak…
Nagsimula na akong maghagilap ng mga damit, mga maayos na damit pambata na maari naming ibahagi sa drop-off point sa Ateneo. Sumama kami sa re-packing ng mga damit na ibinigay para sa mga survivors sa isang NGO bukod sa pagbibigay ng pagkain para sa mga nasalanta. Namigay pa kami ng iba pang mga damit sa isa pang party-list organization. Pakiramdam ko napakaraming kailangang gawin, maraming kailangang gawin, maraming dapat pang gawin.
Sumama rin ako sa isang volunteer group na magbibigay ng psycho-social intervention sa mga nasalantang komunidad. Nakapagbigay kami ng debriefing sa mga ina sa Bagong Silangan, mga volunteer workers ng isa pang komunidad doon, mga guro at development workers sa Benguet at Mt. Province.
Marami rin akong natutunan sa sarili habang tumutulong. Pero isa sa mahalagang natutunan ko ay ang pagiging mapag-unawa sa iba at maging sa sarili sa ganitong gawain. Mahirap man, patuloy ang gawain.
Para sa bayan.

Wednesday, 5 August 2009

Pamamaalam sa isang Ina...




Pamamaalam sa isang Ina…


Pamamaalam sa isang Ina…
Linggo ng hapon ng pumunta kami ni Lex sa La Salle Geenhills upang masilayan sa huling pagkakataon ang labi ng dating pangulong Corazon Aquino. Mahaba na ang pila ng mga tao noong dumating kami ng alas-singko ng hapon.  Pami-pamilya rin ang pumila.  Kahit bumuhos na ang ulan, hindi natinag ang mga taong nakapila. Mabuti na rin na may payong at jacket kaming dala-dala bilang pananggalan sa ulan.
Matagal ring natigil ang paglalakad ng mga nakapilang tao dahil na rin nag-misa pa sa loob ng La Salle. Palitan na kami ni Lex sa pagtayo at pag-upo sa espasyong konkreto na inuupuan na rin ng mga napagod sa matagalang pagtayo sa linya. Wala akong nakitang nagalit sa matagal na paghihintay.
Iniisip ko nga kung bakit maraming taong nagtitiis maglakad ng malayo,  ma-ulanan, tumigil at tumayo sa linya nang matagal,  magtiis na hindi makakain ng maayos  para masilayan lamang sa maiksing panahon ang dating pangulo?
Pawang nakikiaayon pa nga ang panahon sa lungkot na nadarama ng sambayanan sa kanyang pagpanaw. Makulimlim ang langit at nagbabadya parati ng pagbuhos ng ulan.
Pakiramdam ko lang noong panahong iyon, pantay-pantay ang lahat ng pumila, handang maghirap at ibigay ang  kanilang sarili para masilayan kahit sa kaunting sandali ang isang taong umukit ng mahalagang papel sa kasaysayan, isang ina ng bayan na  tulad nga ng sinabi ni Bishop Soc Villegas ay namatay ng makailang ulit para ialay ang kanyang sarili para sa bayan.

Wednesday, 29 July 2009

Si Kristo, si Tara at ang aking Anak



     Magtatapos na rin ng kolehiyo ang panganay kong anak. Kapalayaw ko siya,  siya ang  junior kong matuturing. BS Math ang kinukuha niya  sa Ateneo. Mahirap na kurso ito, nariyang naaabutan ko siyang natutulog na lang sa sofa para magising ng maaga at makapag-aral muli. Nariyang lumalampas na siya ng alas-dose ng gabi para tapusin ang kanyang gawain.  Pero ganito na rin naman ang kinagawian niya magmula noong high school student pa siya. Gusto niyang magpatuloy sa law school pagkatapos ng kolehiyo.  Kakayanin niya ito, dahil kaya niyang ialay ang kanyang panahon at buong sarili para sa isang bagay kahit dumaan siya sa butas ng karayom.

    Halos lahat naman ng mga magulang ay nangarap ng mabuting kinabukasan para sa kanilang mga anak. Kahit di nila masabi ng diretsahan, maaninag sa mga mata ang pag-asa at pagmamalaki nila sa kanilang mga anak. Napakalaking bagay na maiparamdam sa mga anak ito.

    Nalulungkot lang ako ngayon sa pinagdaraanan ng mga magulang ni Tara Santelices, isang Ateneo graduate na binaril sa loob ng jeep na sinakyan halos isang taon ng nakalipas. Marami ring pangarap si Tara at kapareho ng aking panganay, balak rin niyang mag-aral sa law school.  Binawian na siya ng buhay noong umaga ng Hulyo 26.

    Nalulungkot rin ako ng makita ko ang litrato ng ama at ina ni Josemarie Enriquez o Kristo sa mga nakakakilala sa kanya. Isa si Kristo sa mga kabataang aktibistang nag-alay ng kanilang buhay para sa pangmatagalang pagbabago ang ating lipunan. Pinahirapan siya at pinaslang; hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan ang kanyang labi.  Bakas sa mga mata ng  kanyang magulang ang lungkot at pangungulila sa kanilang panganay na anak.

Saturday, 28 February 2009

Amiel


Noong Martes, Pebrero 24, isang napakalungkot na trahedya ang kumitil sa buhay ng isang batang 10 taong gulang na si Amiel Alcantara. Naatrasan siya ng sasakyang minaneho ng isang ina na naghihintay rin sa pagdating ng kanyang anak.

Halos lahat ng makausap kong magulangay nalungkot sa pangyayari. Pumunta ako sa burol ng bata sa chapel ng Ateneo grade school at duon ako nagkaroon ng pagkakataong makiramay sa mga naiwan ni Amiel. Naiyak ako ng kausap ko na ang kanyang ina. Minsan hindi talaga masasabi ang lahat ng gusto mong sabihin sa mga pagkakataong ito. Napaiyak na ako ng kausapin ko siya.

Mararamdaman mo ang bigkis ng pagdalamhati ng  pamayanan ng Ateneo pati sa lahat ng naapektuhan ng pangyayaring ito. Mararamdaman mo ito sa pagitan ng mga magulang na nag-uusap, mga batang nag-aalay ng bulaklak at dasal, mga ordinaryong taong nanghihinayang at nalulungkot sa pangyayari.

Nasa panalangin ko rin ang mga anak na bata ng inang nakasagasa kay Amiel. Kapwa mga batang-mag-aaral rin sila ng Ateneo at mga biktima rin ng isang pangyayaring nakakalungkot.
WebRep
currentVote
noRating
noWeight

Saturday, 10 January 2009

Pagninilay





pagninilay 

Pagiging Manggagawa ng Sangguniang Pastoral

Nag-ugat ang kagustuhan kong matuto at mapalalim ang aking kaalaman sa gawaing sanggunian noong pinakilala sa akin ng isang samahang pangkababaihan ang isang batang saksi sa pagpatay sa kanyang ina.  Pinatay sa bugbog ang ina niya ng kinakasama nito, isang amang nangako na gagampanan niya ang pagiging isang mabuting ama. Wala pang ibinababang warrant of arrest dito; malaya itong nakakalabas pamasok sa komunidad nila. 
Mabuting tao ang ina niya, nagsikap tapusin ang pag-aaral bagama't hikahos sila sa pamumuhay. Nag-aaral siya sa gabi habang nagtatrabaho sa isang fast food chain sa umaga. Bata pa lamang ito, alam na niya na kailangan niyang magsikap at magtrabaho para makapag-aral. Marami siyang pangarap para sa kanyang mag-anak, na balang araw ay makapagtapos rin ng pag-aaral ang anak niya, na matitikman rin nito ang mga bagay at karanasan na hindi niya natikman.
Para sa isang taong marami na ring napatunayan sa buhay, na naranasan maitawid ang sariling pag-aaral sa sarili niyang sikap, maitaguyod ang kanyang mag-anak, saan nanggagaling ang pagpapabaya sa pananakit at pagkutya? 
Tinanong ko rin ang organisador ng samahan at wala siyang masabi sa akin. Tumambad na lang sa akin ang kasagutan nang binisita namin ang tahanang naiwan sa isang komunidad ng maralitang taga-lungsod. 
Nagtutuhog ng pinaghihiwang lamang baboy ang lola ng bata na itutuhog sa mga barbedue stick para lutuin at itinda. Ang lolo naman ay isa sa mga lalaking nakauspo labas ng tirahan nila, naglalasing sa katanghaliang tapat.
Maari nga namang, walang pananakit na nasaksihan ang isang bata paglaki niya pero nakikita rin niya ang pagpapabaya ng kanyang ama, ang hindi pag-imik ng sarili niyang ina bagama't hirap na sa pamumuhay, ang mga masasakit na salitang naglalatay sa kaluluwa. 





Friday, 9 January 2009

Pasasalamat




Pasalamat


Pasalamat
Kung babalikan ko ang nagdaang mga araw, maraming mga bagay akong ipagpapasalamat sa Panginoon. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa pag-alalay sa akin sa aking paglalakbay, sa pagbibigay sa akin ng isang mabuting katuwang sa buhay at mga anak na nagbibigay sa akin ng samu’t saring tuwa, sa mga kaibigan na alam kong hinding-hindi ako iiwan kahit na pa naghihiwalay kami ng daan. Nagpapasalamat ako at marami rin akong nakilalang mga giya, mga guro na pinagkuhanan ko ng mga aral tungkol sa buhay.
Mula sa txt na pinadala sa akin ng aking pamangkin,
” Hindi kailanman, malilimutan ng puso ang bawa’t pagkakataong nakaranas ito ng kabutihan”…
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...